Abante Tonite Interactive

TULAK PATAY SA PRESINTO

72

Gasgas nang eksena pero patuloy ang ganitong tagpo sa mga istasyon ng pulisya kung saan ay may naarestong mga sangkot sa iligal na droga.

Katulad na lamang ng isang tulak ng ipinagbaba­wal na gamot na napatay matapos umanong mang-agaw ng service firearm ng isang pulis habang iniim­bestigahan sa loob ng himpilan ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Caloocan City Police chief Senior Supt. Johnson Almazan, nagsagawa umano ng Oplan Tokhang ang mga elemento ng Police Community Precinct (PCP) 2 sa Bagong Silang ganap na alas-3:30 ng hapon nang masaktuhan nila ang suspek na si Gerald Dela Cruz, 21- anyos ng Phase 2 , Package 3 Block 54 Barangay 176 ng nasabing lungsod na may bitbit na  isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa shabu.

Agad na inimbitahan ng pulisya ang suspek sa opisina ng Station Anti-Illegal Drugs ng PCP 3 sa Bagong Silang si Dela Cruz upang imbestigahan at sumailalim na rin sa proper documentation.

Makalipas ang ilang oras ng pagdating sa presinto, ganap na alas-5:30 ng hapon nang bigla na lamang umanong agawin ng suspek ang service firearm ng isa sa mga pulis sa istasyon na si PO1 John Rey Dela Cruz at pinaputukan ito ng dalawang beses ngunit sumablay at hindi tinamaan ang pulis na Dela Cruz.

Agad namang umaksiyon ang isa sa mga pulis ding naroroon na si PO1 Jordan Alcova at binunot ang kanyang baril saka pinaputukan sa katawan ang suspek.

Agad din siyang isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez  Hospital ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay at nasawi habang nasa byahe pa lamang.

Sa ngayon ay kasalukuyan nang hawak ng Caloocan Police North Extension Office (NEO) homicide division partikular na ni PO3 Alcee Jumaquio ang nasabing kaso, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad.