Abante Tonite Interactive

Tulay may nagmumultong ala-Sadako

497

Mga ka-Misteryo napanood ninyo na ba ang pelikulang The Ring at sobra bang takot ninyo kay Sadako, ang multo ng babaeng may mahabang buhok? Ano ang gagawin ninyo kung makita ninyo ang katulad ng hitsura niya kung saan kayo magpunta?

‘Yan ang paksa natin ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Pauwi na sa kanyang condo si Rosa ng Mandaluyong at kailangan niyang dumaan sa tulay mula Makati habang minamaneho ang kanyang SUV.

Sa mga naka­lipas na taon na umuuwi ng hatinggabi si Rosa ay wala siyang anumang karanasan sa naturang tulay mali­ban na lamang ng gabing ‘yon.

Saktong go signal na sa traffic light pagtuntong niya sa crossing ng kalsada kaya’t umabante na siya para dumaan sa tulay nang hindi sinasadyang napalingon siya sa gawing kanan at nakita ang umpukan ng mga tricycle driver.

Napansin niya ang isang babaeng nakaupo sa gitna ng hilera ng mga trike driver at nangilabot siya sa kanyang nakita, ‘yan ang inusisa ng #Misteryo kay Rosa.

Misteryo: “Anong nakita mo don sa babae? Hindi naman siguro nakakatakot na makita ang babae sa umpukan ng mga trike driver, malay mo misis o gf siya ng isa sa trike driver.”

Rosa: “Dapat nga ganon kaso iba ang nakita ko, nakakatakot siya. Mahaba ang buhok na nakalugay sa kanyang mukha at nakasandal sa isa sa mga tricycle driver. Hindi ko maaninag ang mukha kasi umaandar ang sasakyan ko pero parang nakatingin siya sa akin, kaya natakot ako kasi naalala ko si Sadako.”

Misteryo: “Anong sunod na ginawa mo? Tumigil ka ba para sabihan ang trike driver na may katabi siyang multo?”

Rosa: “Noooo way! Hindi ako titigil noh! Natakot nga ako kaya diretso lang ako pero nang li­ngunin ko uli, biglang nawala ‘yong babae sa tabi ng trike driver.”

Misteryo: “May alam ka bang history ng tulay na ‘yon? Baka may nasagasaan o nagpakamatay sa lugar?”

Rosa: “Ang alam ko may nagpakamatay sa tulay, I think tumalon siya pero matagal na ‘yon.”

Kung kayo mga ka-#Misteryo ang makakita ng mala-Sadako na multo. Ano ang gagawin niyo?

Para sa inyong mga kuwentong karanasan ng Misteryo at Kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.