Abante Tonite Interactive

Tulfo, PCOO official, pinakakasuhan sa P60M DOT ads

By
2,233

Hinamon ng Malacañang si Attorney Ferdinand Topacio na pa­ngalanan ang binanggit nitong opisyal ng Pre­sidential Communications Operations Office (PCOO) na naambunan sa P60 million advertisement deal na nakuha ng Bitag Media Unlimi­ted Inc. ni Ben Tulfo sa Department of Tourism (DOT) na dating pinamunuan ng kapatid niyang si Wanda Tulfo-Teo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mas mainam na isapubliko ni Topacio at pangalanan kung sino ang nabigyan sa kontrobersiyal na pondo mula sa DOT dahil ‘unfair’ na nakakaladkad ang buong PCOO sa kritisismo.

“Well, sana po ay isapubliko naman iyan kasi unfair naman sa PCOO na iyong buong PCOO is subjected to this kind of criticism ‘no. Sana pangalanan, mag-file ng reklamo, ilagay sa affidavit nang maimbestigahan nang tama at mabuti,” ani Roque.

Nitong Lunes ay sinabi ni Topacio, abogado ni Teo, na base sa naging pag-uusap umano nila ni Ben Tulfo, may nakuhang porsyento ang PCOO sa naikasang ads deal. Sakop ng PCOO na pinamumunuan ni Secretary Martin Anda­nar ang PTV-4 kung saan nagpoprograma si Tulfo.

Kasabay nito nanawagan si Roque na kailangang isoli ng mga nasasangkot na opi­syal ang pondo alinsunod sa direktiba ng Commission on Audit (COA) dahil kapag hindi ginawa ito ay papasok na ang kasong graft.

“They have to heed the call of the COA. For instance, kapag sinabi na disallowed, that means they have to return; and if they don’t return, iyan na iyong damage to go­vernment na one of the elements of graft. So if they don’t heed the re­commendation that the particular expenditure is disallowed and they must return, then the COA report will now be used to prove an element of graft,” dagdag pa ni Roque.

Binigyan-diin ng kalihim na kahit nawala na sa puwesto ang isang kalihim na nasangkot sa anomalya ay hahabulin pa rin ito ng gobyerno.