Abante Tonite Interactive

Tuli na ba you?

562

Rey Marfil

Bakasyon na kaya marami ang tiyak na nagpaplano na kung saan magpupunta.

Pero bukod sa bakasyon, may isa pang pinaghahandaan ang iba nating mga kababayan sa ganitong panahon — ang ‘mabinyagan’ sa pamamagitan ng tuli.

Pero bago ‘yan, bigyan-daan muna natin ang hirit ng isa na­ting kurimaw tungkol sa usapin ng ‘Filipino time’. Himutok kasi niya, dahil marami rin daw ngayon sa mga paaralan ang magsasagawa ng re­cognition day at graduation, dapat daw ipatupad ng mga paaralan ang ‘on time’ pagdating sa pagpapatupad ng se­remonya.

Hirit niya, kung anong oras ang nakasaad sa programa na dapat magsimula, dapat daw itong sundin at isagawa lalo na kung sa umaga idinaos ang programa. Kawawa nga naman ang mga estudyante at magulang na gumising nang maaga para makarating sa venue ‘on time’ tapos hindi naman pala susundin ang oras na kanilang itinakda.

Bilang pakunsuwelo ng ating kurimaw, puwede naman daw sigurong magbigay ng 15 minutong palugit bago umpisahan ang programa. Pero kung 8:00 am ang usapan na simula ng programa, dapat daw ay umpisa­han ito ng 8:15 am, kahit na marami ang ma-late.

Kung tutuusin, may katwiran naman ang ating kurimaw sa kaniyang paninindigan tungkol sa pagiging ‘on time’ sa mga kasunduan — at dapat lang na magsimula ito sa mga paaralan para pumasok din sa isipan ng mga bata.

Ang mahirap kasi, may mga magulang na gusto ng ‘dramatic entrance’ at sadyang nagpapa-late at sasabihin pa sa anak na huwag magmadali dahil sa katwiran na, “Hindi naman magsisimula ‘yan ng 8:00.” Mantakin mo ang ganu’ng turo ng magulang sa anak.

Tapos pagdating sa paaralan o sa venue, aba’y tama ang ina na atrasado nga ang prog­rama ng halos isang oras na. Sasabihin niya ngayon sa anak, “Oh, kita mo na, madali ka kasi nang madali.” Dahil diyan, papasok sa isip ng batang estudyante na puwede naman palang ma-late at baka madala niya iyon hanggang sa kaniyang paglaki.

Kaya dapat maging magandang ehemplo ang mga paaralan pagdating sa oras.

Kung ano ang usapan, ipatupad at sorry na lang ang mga mali-late. Kung baga sa flight, hindi naghihintay ng pasahero ang eroplano.

Samantala, usapang tuli naman tayo mga tsong. Kung walang pera ang mga magulang at handa naman na ang anak na magpatuli, aba’y samantalahin na ang mga libreng tuli na iaalok ng mga lokal na opisyal. Lalo na ngayon na eleksyon, tiyak na maraming kandidato na magpapasikat ng libreng serbisyo gaya ng tuli.

Mas maigi nang samantalahin ang mga libreng tuli na doktor ang hahawak sa pu­totoy ni bunso, kaysa maghanap ng mas mura o libreng ‘pukpok’. Sa pukpok kasi, maaaring makalibre ka rin o mura ang tuli, pero wala itong anestisya kaya tiyak na mararamdaman ng tutuliin ang sakit. At kung mamalasin, baka hindi lubos na malinis ang gamit eh maimpeksyon pa ang pututoy ni bunso.

Iyon nga lang, mas ‘macho’ ang dating ni bunso kung sa ‘pukpok’ dumaan ang kaniyang ‘pagkalalaki’ dahil nga naramdaman niya ang sakit. Mas tradisyunal din ang paraan ng pagpapagaling na may kasamang langgas at pagbabad sa tubig. Pero dapat tiyakin na bihasa na ang nagpupukpok at baka sa halip na balat lang ang hiwain, aba’y ulo ng pututoy ang matamaan ng patalim.

Pero kung may budget naman, ha­yaan nang si doc ang hu­mawak sa pututoy ni bunso. Bukod sa konting sakit, puwede pang ipa-monitor ang paggaling ng sugat. Kung walang aberya sa tuli, kayang gumaling ang sugat ng dalawang linggo. Ngunit may mga tinutuli na mas matagal gumaling ang sugat na inaabot ng higit isang buwan.

Ito iyong mga tinatawag na ‘phimosis’ o nakadikit ang balat sa pinaka-ulo ng pututoy, o hindi pa ‘lampas’. Dapat kasi ay nahahatak ang balat sa ulo ng pututoy kapag tinuli dahil ang naturang balat ang ‘pinupukpok’ sa pukpok at ‘ginugupit’ ng mga doktor. Kung ‘phimosis’ ang pututoy ni bunso, sa doktor mo dapat dalhin ang bata at huwag sa pukpok.

Ang mga ‘phimosis’ din ang dapat na isalang sa tuli dahil mas lantad ang naturang kaso sa pagkakaroon ng UTI dahil hirap siyang umihi o may matitirang ihi sa loob ng pututoy na maaaring magdulot ng impeksyon. Kung tutuusin, ang pagpapatuli naman mga tsong ay hindi pampapogi o pampa-macho, bahagi iyan ng paraan para maging malinis ang ating katawan, partikular ang pututoy para iwas-sakit. Kaya ang tanong ng ating kurimaw, tuli na ba you? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Tonite – Wendys Inhouse Ad