Abante Tonite Interactive

Tulog sa umaga, gising sa gabi

377

Wala atang reporter na hindi dumaan sa graveyard shift. Sila ‘yung mga rumoronda sa gabi para maghanap ng istorya. Iniikutan ang mga presinto sa pag-asang may matatalisod na news coverage. Sa madaling salita, gising sila sa gabi habang tulog ang marami.

Sa totoo lang, mara­ming Pilipino ang may trabaho sa gabi. Bukod sa police reporters, gi­sing din sa gabi ang mga guwardiya, call center agents, gasoline attendants, pati na ang mga nagtatrabaho sa ospital. Sila ang tinatawag na graveyard shift.

Hindi naman kaila sa marami, nagdudulot ito ng health risks.

Kahit pa sabihin mong tulog ka buong umaga matapos ang graveyard duty, iba pa rin talaga ang kalidad ng tulog sa gabi. Ayon sa ilang medical experts, kulang lang sa anim na oras kada araw ang tulog ng mga nasa graveyard shift. Mababa rin daw ang level of serotonin o ‘yung tinatawag na ‘feel-good hormone’ kaya hindi ganoon kaganda ang kanilang tulog sa umaga.

Malaki rin daw ang tsansang maging obese ang mga taong nasa graveyard shift. Pagkain kasi ang pan­laban ng marami sa puyat. Kaya ang resulta, pag­laki ng pangangatawan.

Nagpapataas din daw ito ng risk na magkaroon ng diabetes. Dahil nakaka-hyper, chocolates at kape na maraming halong asukal ang karaniwang iniinom at nilalantakan ng mga nasa graveyard shift.

Dahil nawawalan ng kontrol sa pagkain at kulang sa ehersisyo, tumataas din ang risk na magkaroon ng heart attack, base sa pana­naliksik ng British Medical Journal.

Karaniwang pagod at puyat ang mga nasa graveyard shift. Dahil dito, mas hindi sila alerto at mas mataas ang risk ng aksidente lalo na kung magmamaneho pagkatapos ng panggabing trabaho.

Hindi naman talaga maiiwasan ang graveyard shift sa trabaho lalo na kung naghahabol ka ng overtime pay at night differential. Ang sa akin lang, huwag pabayaan ang sarili.

Ugaliin pa ring kumain ng masusustansiyang pagkain. Iwasan ang fatty at salty foods. Huwag magbis­yo gaya ng alak at yosi. Sigarilyo kasi ang karaniwang break time ng mga nasa graveyard shift. Sikapin ding magkaroon ng regular exercise.