Abante Tonite Interactive

Tulong sa mga bakwit ‘wag pag-interesan

270

Marami nang nangyayaring hindi maganda sa mga evacuation center sa Batangas at Cavite.

May ilang naiulat na nakawan at may ilan namang ­nagtatago ng relief goods na donasyon ng mga nagmalasakit nating mga kababayan sa mga ­apektado ng Taal ­volcano eruption.

Alam na nating maaari itong mangyari sa hinaharap dahil sa rami ng mga evacuee na nangangailangan ng tulong. Pero ang sa atin, hindi po solusyon ang pagnanakaw at pang-iipit ng relief goods.

Unang-una katulad na biktima po ang mga ninanakawan ninyo.

Ikalawa, talaga pong para sa mga evacuee ang mga ipinapadalang tulong sa Batangas kaya huwag naman na sana ninyong ipagkait o pahirapan pa ang mga bakwit.

Maaaring tamang ­iayos upang mas ­marami ang makinabang sa mas mahabang panahon pero huwag naman sa puntong mabubulok na naman kung saang bodega diyan.

Ngayon pa lamang sana ay magkaroon ng sistema sa mga tagapangasiwa sa mga relief good upang ­maipamigay ito sa mga tunay na benepisyaryo.

Huwag na sanang maulit ang masasamang karanasang ating nasaksihan sa mga nagdaang kalamidad kung saan ay pinag-interesan ng mismong tagapangasiwa ang mga tulong na dapat ay kanilang pinamahalaan para ipamigay sa mga apektado nating mga kababayan.