Abante Tonite Interactive

Tulong Trabaho Law pinirmahan ni Duterte

By
0 185

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Tulong Trabaho Law na layuning pagbutihin ang mga technical-vocational skill ng mga Pilipino para matugunan ang problema ng unemployment sa bansa.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, layunin ng Republic Act No. 11230 o mas kilala bilang Tulong Trabaho Law na palakasin ang labor force compe­titiveness ng mga Pilipino sa pamamagitan ng technical-vocational education and training.

“Naniniwala tayo na malaki ang maitutulong ng Tulong Trabaho Act na i-angat ang skills ng ating mga manggagawa kaya nagagalak po tayo at naisa-batas na ang panukalang ito,” ani Villanueva.

Sa ilalim ng bagong batas ay maglalaan ng tulong trabaho fund para sa mga kuwalipikadong recipient ng technical and vocational education and training (TVET) sa mga selected training program na tutukuyin ng Technical Education and Skills Development Authority.

Kuwalipikadong recipient ng tulong trabaho fund ang mga indibidwal na mula 15-anyos pataas ang edad, walang trabaho, hindi nag-aaral at wala pang kasanayan.

Kasama rin dito ang mga may trabaho na pero nais pang palawakin ang kanilang mga skill at training.