Abante Tonite Interactive

Tuloy ang laban!

0 287

Sa tuwing naiimbitahan akong magsalita sa harap ng mara­ming tao, paborito kong paksa ang kabiguan o ‘failure’ sa Ingles.

Lagi kong bungad, mahirap bang tangga­pin ang pagkabigo?

Sa totoo lang, oo – mahirap. May kurot sa puso pag napagtanto nating natalo tayo sa isang laban. Masa­kit malaman na may mas magaling sa atin.

Nakahihiyang isapubliko na may mas angat sa kakayahan natin.

Hindi ninyo naitatanong, maraming beses din akong nadapa sa buhay.

Ako ang pambato ng eskuwelahan noon sa oratorical contest. Pero sa tuwing ilalaban na ako sa labas, lagi na lang talunan. Never akong nanalo. Umuuwi akong luhaan. May pagkakataon pa ngang nalimutan ko ang linya ko kaya bumaba na lang ako ng entablado.

Iniaalay ko ang column na ito sa mga campus journalist na kinapos at hindi pinalad na manalo sa kani-kanilang division at regional schools press conferences. Gaya ninyo, hindi rin ako umabot ng National Schools Press Conference noon.

Ang nakalulungkot — may ibang bukod sa hindi matanggap ang pagkatalo, naghahalungkat pa ng mga bagay na ikasisira ng mga nanalo. Bagay na maling-mali.

Isa lang ang susi sa usaping ito—matutong magpakumbaba. Buong pusong tanggapin ang pagkatalo.

Hindi sa pagbubuhat ng bangko, pero hindi naging hadlang ang pagkatalo ko sa mga contest sa pag-abot ng mga pangarap sa buhay. Ginamit ko ang pagkabigong ito para lalong tumatag.

Sa mga may pagkakataon pang bumawi sa susunod na taon, huwag magsawang lumaban! Ika nga, ‘keep the fire burning’.

Sa mga magkokolehiyo naman at wala nang tsansang muling makasali sa presscon, bau­nin ninyo ang mga aral na natutunan sa kompetisyon. Tiyak akong mas malayo ang mararating ninyo sa buhay.

Hindi naman sa journa­lism at broadcasting contests natatapos ang buhay. Simula pa lang ‘yan ng totoong laban! Maniwala kayo, may mas engrande pang nakalaan para sa inyo.

Ang sa akin lang—sa anumang kompetisyon, ang mga kinapos at natalo ang tunay na bida! Sila ang muling babangon nang may lakas at sigla para makuha ang i­naasam-asam na kampeonato.