Abante Tonite Interactive

Tuloy ang ‘Recto University’

352

Kamakailan lamang ay pinangunahan ng masipag na mayor ng Manila na si Isko Moreno ang pagsalakay sa tinaguriang ‘Recto University’ kung saan talamak ang gawaan ng mga pekeng dokumento.

Ako mismo ay na­bubuwisit sa mga taong hanggang ngayon ay patuloy sa kanilang gawain sa kabila ng pagsisikap ng butihing mayor ng lungsod na linisin ang naturang lugar na matagal nang inirereklamo.

Matatandaan na ma­ging ang siyudad mismo ng Manila ay na-monitor na pati ang kanilang sariling resibo ay pinipeke ng mga taga-‘Recto University’ kaya agad itong sina­lakay kamakailan.

Pero nakalulungkot dahil ilang oras lang matapos ang pagsa­lakay, (inuulit ko, ilang oras lang) ay nagbalikan na naman sa kahabaan ng Recto, Avenida hanggang Quiapo ang mga karatula na tumatanggap sila ng trabaho para gumawa ng mga pekeng dokumento.

Nabatid na hindi basta-basta natitinag ang sindikato sa natu­rang lugar dahil sa protektado ang mga ito ng ilang tiwaling pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) na tumatanggap ng lingguhang lagay.

May mga pagkakataon pa umanong ang mga nakatalagang pulis pa mismo ang nagbibigay ng timbre sa mga nakapuwestong sindikato na magpalamig muna kapag mainit ang sitwasyon.

Napag-alaman na ang Recto University ay bihasa sa paggawa ng diploma, passport, NBI o police clearance at lahat ng dokumentong nais ipagaya ng ng isang nagpapagawa.

Dahil dito ay nag­lipana rin ang mga pekeng driver’s license na kadalasan ay nagi­ging sanhi ng vehicular accident dahil sa nagmamaneho ang marami kahit hindi pa bihasang magmaneho.

Kaya suportado ko si Mayor Isko sa ginawa niyang pagsalakay sa ‘Recto University’ kaya lamang ay nalungkot ako nang mabalitaan kong nagbalikan na naman sa puwesto ang mga iligalistang ito.

Sa palagay ko, kung patuloy lang ang isasagawang pagsalakay sa kasuluksulukan ng Recto ay mauubos ang gumagawa ng mga pekeng dokumento sa naturang lugar.

Alam n’yo ba na ma­laking problema ngayon ng Professional Regulatory Commission (PRC) ang pagdami ng mga pekeng dentist at pekeng teacher dahil sa ‘Recto University’ na siyang responsable sa kanilang pekeng dokumento.

Nauunawaan din namin na hindi naman basta-basta mapapatigil ang ‘Recto University’ dahil nag-ugat na ito sa iligal na negos­yo ngunit naniniwala tayo na kayang-kaya ito ni Mayor Isko basta dadalasan lang ang pagsalakay.

Napakadali namang malaman kung tuloy pa ang iligal na negosyo dahil sa maglakad ka lamang sa kahabaan ng Avenida, Recto at Quiapo ay napakarami na ng nag-aalok na gagawa ng pekeng dokumento.

Kapag mainit ang mga pulis, pansa­mantalang inaalis ang mga karatula ngunit kapag wala na ang mga operatiba ay tuloy na naman ang ligaya at dapat ang utusan ni Mayor Isko na magbantay sa naturang lugar ay mga bagong operatiba na hindi hawak ng mga opisyal.

Dahil ultimo mga ope­ratiba ng Manila City Hall ay tumatanggap ng lingguhang lagay kaya sobra ang lakas ng loob ng sindikatong humahawak sa ‘Recto University’.

Kay Mayor Isko, nasa likod mo ang samba­yanan, sana malinis mo ang napakatagal nang problemang ito.