Abante Tonite Interactive

Tuloy ba ang SEAG eSports Phisgoc Foundation, Inc.?

204

Marami ang nagtatanong sa akin kung sino-sino ba ang mga magiging pambato ng Pilipinas para sa unang pagsasagawa ng anim na digital na laro na electronic sports o eSports sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa parating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Pinakahuling update na nakuha ng inyong lingkod na ‘di pumayag ang nagmamay-ari sa laro ng NBA2K19 na isali ang kanilang discipline sa nalalapit na biennial 11-nation, 12-day multi-sport meet.

Pinalitan ito ng laro na kabilang sa dating mga serye ng Warcraft na nakilala ngayon bilang HeartStone na agad na nireklamo ng Singapore dahil sa posibilidad na masyadong maging “Game of Chance” ang anim na nakatayang gold para sa SEA Games eSports.

Gayunman, sino-sino nga ba ang mga magrerepresenta sa pambansang koponan na sasabak sa mga laro ng Defense Of The Ancients o DOTA2, Heartstone, Starcraft, Mobile Legends: Bang Bang, Arena of Valor at Tekken.

Kahit mismo ang Level Up ay wala pong makuhang impormasyon mula sa mga opisyal ng binabatikos na PHISGOC Foundation, Inc. (PFI) kung anong mga koponan o sinong mga indibidwal ang bibitbit sa bandila ng bansa.

Maski ang Secretariat ng Team Pilipinas sa pamumuno ni Ms. Liza Ner na dapat na magbigay ng akreditasyon sa mga manlalaro sa eSports ay walang maibigay na detalye sa mga eGamer na lalaro para sa bansa sa SEAG.

Kabi-kabilaan ang mga torneo sa Mobile ­Legends Bang Bang sa iba’t ibang mga internet cafe gayundin ang DOTA2. Pero napakatahimik ng mga balita at impormasyon na dapat na naibabahagi sa mga tagasunod ng eSports.

Pati na rin sa ibang mga nahihilig sa mga laro upang mabigyan ng pagkakataon at bihirang tsansa na mapabilang kung maryoon mang bubuuin at ipanlalaban ang bansa sa SEAG eSports.

Itinalaga ang Team Razer, isang kompanya mula Singapore upang mamahala sa eSports. Pero maraming beses kong sinubukang makakuha ng mga impormasyon, pero bigo lang ako.

Apat na buwan na lang kaya patuloy kong babantayan ang magiging kaganapan sa unang pagsasagawa ng SEAG eSports