Abante Tonite Interactive

Tulungan dapat

109

Pagtutulungan at sama-samang pagbibigay ng solusyon sa mga problema ang mahalaga para magkaroon ng tunay na pagbabago sa industriya ng karera sa bansa.

Ito ang sinabi ni Koezuka Hiroyuki, ang chief representative ng Japan Racing Association na nakabase sa Hong Kong, sa pagbisita sa bansa nitong weekend para dumalo sa JRA Cup sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Sinabi ni Koezuka na kailangan ang pagtutulungan ng mga major players at namamahala sa industriya para ma­bigyan ng atensyon ang problema na dapat aksiyunan agad.

Idinagdag niyang ang awtoridad sa karera ay nagbibigay ng rules and regulations na matamang sinusunod ng major players ng industriya. Mahirap kung hindi magkakasundo ang mga taong nasa loob mismo ng karera, sabi pa ni Koezuka.

Si Koezuka ay sinamahan ng kanyang right-hand man na si Shoju Masashi bilang official representatives ng JRA sa pagdiriwang ng JRA Cup sa bansa na isang goodwill exchange race kapalit ng JRA Asia Week of Racing noong Hulyo 16-17 sa Chukyo Racecourse sa Nagoya, Japan.

Dinaluhan ito ng dalawang representatives ng Metro Manila Turf Club na sina Ronald Alfeche at Andy Sevilla kasama ang iba’t ibang opisyales ng mga bansang kumatawan sa India, Singapore, Macau, Malaysia, at Thailand.

Kahit na masyado nang maunlad ang karera sa Japan, ang isang araw nitong bentahan mula sa tatlong karerahan na sabay-sabay na nagdaraos ng pakarera ay katumbas ng mahigit isang taong revenue ng ating mga karerahan dito sa bansa, maganda ang pakikitungo nito sa malalaking karerahan sa Asya.

Ang Japan ang na­ngunguna sa bentahan sa takilya, pumapangalawa ang Hong Kong bago ang Amerika at Australia. May 10 karerahan ang pinaandar mismo ng JRA na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Japan Ministry of Agriculture pero may iba pang 15 maliliit na karerahan na nasa pangangasiwa ng local government units doon.