Abante Tonite Interactive

Tulungan sa pagbabantay ng seguridad

967

Hindi talaga uso kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar ang umupo lang sa ugoy-ugoy niyang silya at maghintay sa mga ulat sa kanya ng kanyang mga tauhan, partikular ang mga hepe ng limang distrito ng pulisya sa Metro Manila sa mga kaganapan sa kanilang mga hurisdikyon sa pagsisimula ng Simbang Gabi kahapon.

Sa halip na matulog na lang nang mahim­bing at ipagkatiwala sa mga hepe ng mga distrito ng pulisya ang pagtiyak ng seguridad sa unang araw ng Simbang Gabi kahapon ng umaga, aba eh siya mismo ang lumabas sa kalye at nag-ikot sa iba’t ibang simbahan at inuna nga niya ang lungsod ng Maynila.

Nag-inspeksyon siya sa paghahanda ng seguridad sa malalaking simbahan sa Maynila kasabay ng pagsisi­mula ng tradisyonal na ­Simbang Gabi.

Unang pinuntahan ni Gen. Eleazar ang simbahan ng Quiapo kung saan pati ang presinto sa Plaza Miranda ay kanyang inikot. Mabuti na lang at wala itong nadatnang pulis na na­tutulog, kung hindi, naku.

Sunod naman niyang tinungo ang Ongpin Police Outpost at ang katapat lamang nito na Sta. Cruz Church. Hindi rin pinalampas ni General na ikutan ang Gandara Police Community Precinct sa Binondo bago niya pinuntahan ang Binondo Church.

Pagtapos nito, nagtungo si Sir sa San Agustin Church at Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila.

Ginulat ng ating ­Mamang Pulis ang mga nakaposteng pulis sa mga pinuntahan ­niyang lugar.

Mabuti na lang at alisto ang mga ito kaya walang sumablay at walang umuwing luhaan sa kanilang hanay.

Ibang klase kasi ang heneral na ito. Istrikto pero mabait. Mahigpit pero marunong kumilala ng kasipagan at dedikasyon sa tungkulin. Kaya kwidaw kayong mga pasaway.

Ramdam ni General na may mga natitira pa rin diyan na bulok at batik sa kanilang hanay.

May pagkilala at medalya ang mga tapat at maasahan. ‘Yan ang pagtitiyak ni Gen. Eleazar.

Pero kwidaw, sibak na sa tungkulin ay pakakasuhan pa niya ang mga pasaway at patapon na ikinahihiya raw na nakapagsuot ng kanilang uniporme at naging miyembro ng kanilang hanay.

Paniguro lang nga pala ni General, hindi iyon ang una at huli nilang paglutang sa mga istasyon ng pulisya at mga lugar na malalapit sa mga simbahan.

Mahabang pagha­handa at pag-iingat pa ito kaya sabi ni ­General, aabot sa 8,000 mga pulis ang regular na magsasagawa ng pagpa-patrol sa mga lansangan ng Metro Manila ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sa pagsisimula ng Simbang Gabi, sinabi ni Gen. Eleazar na idaragdag nila sa kanilang mga tututukan ang mga simbahan. Kabilang din sa kanilang mga babantayan ay ang mga shopping mall na ngayon ay dinadagsa na ng mga mamimili.

Bago pa man ang panahon ng Kapaskuhan ay naging regular na rin ang pulong ng mga NCRPO official sa ilang mga barangay sa Metro Manila dahil mahalaga ang kanilang tulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga lugar.

Bukod sa mga simbahan, higit sa 300 pulis din ang itatalaga sa mga pamilihan sa Metro Manila na inaasahang dudumugin ng mga tao sa Kapaskuhan, ayon kay Eleazar.

Sabi ni General, just seat and relax dahil sila ang bahala sa seguridad natin pero tulungan din natin ang pulisya na maging mapagbantay sa ating paligid.

No problem Sir. ­Suportado kayo ng ating mamamayan.