Abante Tonite Interactive

Tumakas sa ospital namatay sa bangketa

303

Inabot ng kamatayan sa bangketa ang isang 35-anyos na lalaking pa­laboy matapos umanong tumakas Linggo nang madaling-araw sa San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz, Maynila kung siya naratay ng ilang araw dahil sa paninikip ng dibdib.

Kinilala ni Police Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang nasawi na si Buboy Urbano y Flores, 35-anyos at nakatira lamang sa bangketa sa Tayuman St., Tondo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-tres ng madaling-araw nang madiskubreng patay na si Urbano.

Nabatid na unang isinugod ang biktima sa San Lazaro Hospital noong Abril 12, Biyernes, dahil nahirapan itong huminga kaya pinayuhan ng mga manggagamot na kinakailangang magpa­hinga ng mga ilang linggo.

Nalaman na ilang araw pa lamang ang nakakalipas matapos maratay sa ospital ay naisipan ng biktima na tumakas at bumalik sa tinutuluyan nitong bangketa.

Posibleng dahil sa tindi umano ng init ng panahon kung kaya’t mu­ling inatake ang biktima ng hirap sa paghinga at tuluyan na itong namatay. (Juliet de Loza-Cudia)