Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tumatagas na ‘landfill’ sa Bataan, pinasisilip sa DENR

0 277

Hiniling ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang umanoy talamak na mga paglabag ng isang kompanya sa landfill facility sa bayan ng Hermosa.

Ayon kay Hermosa Mayor Jopet Inton, nababahala na umano sila sa tumatagas na katas ng basura mula sa econest waste management corporation papunta umano sa Mambog creek.

Aniya, ang naturang landfill ay inooperate ng kompanyang Econest Waste Management Corporation nang pumasok ang Hermosa LGU sa isang kasunduan noong 2017 para ito ang mag-operate sa Hermosa Sanitary Landfill Facility sa Barangay Mambog.

Sa ilalim ng Public-Private Partnership, nagkaroon ng kasunduan ang Econest Waste Management Corporation at ang Pamahalaang Bayan Ng Hermosa na ipapagamit ang lupa ng LGU Hermosa Sanitary Landfill at ang private partner na Econest ang magbibigay ng technical expertise at kapital para i-rehabilitate, paunlarin at i-operate ang sanitary landfill facility sa bayan ng Hermosa sa loob ng dalawampung taon.

Ito ay para matulungan ang LGU sa pangangasiwa ng sanitary landfill at wala rin anumang gastusin mula sa kaban ng bayan bagkus ay bibigyan pa ng Econest ang LGU ng 20 percent sa magiging kita ng kumpanyang ito subalit hindi nangyari ang inaasahan.

Sa loob lamang ng maiksing panahon, ay nadiskubre ang maraming paglabag ng Econest sa ECC at ilan sa mga paglabag ay ang pagpaabaya sa mga solid wastes sa landfill dahil walang sapat na daily soil cover at nagmistulang gabundok na basura tulad ng Payatas na anumang oras ay maaaring gumuho at tumapon sa Mambog Creek na ilang metro lamang ang layo.

Hinayaan lang din daw na tumagas ang katas ng basura papunta sa Mambog Creek na dumadaan sa mga pamayanan patungo sa Manila Bay na maaari ring tumagos sa ilalim ng lupa at maapektuhan ang tubig sa ilalim nito. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.