Abante Tonite Interactive

Tumawid sa ilog, 70-anyos nalunod

194

Kamatayan ang sinapit ng isang 70-anyos na biyuda makaraang atakehin habang tumatawid sa ilog noong Lunes nang umaga sa Brgy. Cavite, Guimba, Nueva Ecija.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Police Colonel Leon Victor Rosete, Nueva Ecija police director, nakilala ang biktima na si Lorena Mendoza-Tabulinar, 70-anyos, vendor at taga-Brgy. Cavite, Guim­ba.

Nabatid na alas-11:00 nang umaga, pauwi na ang biktima at patawid na sa ilog na lagi nitong ginagawa nang tangayin ito ng malakas na agos hanggang sa tuluyang malunod.

Ayon sa mga kaanak na tumanggi ring ipa-autopsy ang bangkay, dati nang tumataas ang presyon ng biktima. Ipinalalagay na sumabay ang pagtaas ng dugo nito nang tangayin ng agos. (Jojo de Guzman)