Abante Tonite Interactive

Tumbasan ng matinong pagganap sa tungkulin

198

Ipinaglalaban ng isang kongresista ang karapatan ng may 3,000 mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Wala pa raw sa minimum ang P9,000 sahod lalo na’t nasa P8,000 lamang ang kanilang take home.

Sabagay malayong-malayo talaga ito sa ipinaiiral na minimum wage.

Kaya naman nais ng nagmamalasakit sa mga MMDA enforcer na mambabatas na huwag tapyasan nang bongga ang budget nito sa 2020.

Ang panukalang budget ng MMDA sa 2020 ay P7.61 bilyon pero ginawa na lang itong P4.11 bilyon kaya naman labis ang pag-aalala ng kongresista na baka maapektuhan ang dapat ay dagdag sahod ng 8,000 mga empleyado ng ahensya na aabot sa P697 milyon.

Kakapiranggot nga naman ang kita ng mga enforcer ng MMDA kaya’t hindi pa rin maiwasang masangkot ang ilan sa kanila sa pa­ngongotong.

Kanya nga lamang hindi katanggap-tanggap ang kanilang palusot na maliit ang sahod kaya gumagawa ng hindi tama.

Hindi rin naman si­guro sila pinilit na ma­ging traffic enforcers ng MMDA kaya huwag isisi ang maliit nilang sahod. Bukod sa alam na nila ang naghihintay sa kanilang sahod, maliban na lang kung talagang may masama silang plano katulad ng pangongotong kaya nila tinanggap ang maliit na sahod.

Ang sa atin, kung hangarin talagang magbigay ng tamang pasahod sa mga enforcer dapat ay mamili ng karapat-dapat at matinong enforcer.

Hindi iyong mga enforcer na pinag-uniporme lang at pinag-seminar ng kung ilang sesyon saka idineploy at nakaabang sa mga sumasablay na moto­rista sa batas trapiko para tiketan o kaya ay kotongan.

Hindi dapat ganito ang kalidad ng mga traffic enforcer na kailangan ng MMDA ngayong nahaharap sila sa malaking hamon dahil sa palala na nang palala na problema sa trapiko.

Sa totoo lang naman ay mahirap talagang linisin ang isang hanay.

Talagang nagkakaroon ng bugok katulad ng problema sa PNP.

Pero mababawasan naman ang mga bugok na ito kung magpapatupad ng matinong polisiya lalo na sa aspeto ng recruitment.