Abante Tonite Interactive

Tumitinding diskriminasyon sa mga health worker kinondena

580

Kinondena ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang dumaraming insidente ng harassment at pananakit sa mga health worker sa harap ng patuloy na paglaban ng gobyerno sa krisis sa coronavirus disease.

Hindi nagustuhan ng IATF ang panibagong insidente kung saan binaril sa kamay ang isang driver ng ambulansiya matapos mapaghinalaang may dala itong COVID patient.

Naging emosyonal si Cabinet Secretary Karlo Nograles dahil sa mga natatanggap na ulat ng harassment, pananakit at diskriminasyon sa mga health worker at nagbabala na kakasuhan ang mga taong gumagawa nito.

“Kinokondena ng IATF ang hindi magandang pagtrato sa health workers. Binabalaan po namin na kakasuhan ang mga taong gumagawa nito,” ani Nograles.

Nanawagan ang kalihim sa local government units na mag-isyu ng ordinansang magpapataw ng parusa sa mga nananakit, nagha-harass at gumagawa ng diskriminasyon sa mga health worker na tumutulong sa maraming COVID patient.

Sinabi ni Nograles na sa halip gumawa ng masama laban sa mga health worker, dapat magtulungan at ipadama ang malasakit at kahandaang tumulong sa kapwa.

“Alam namin na marami sa inyo ang takot, hindi lang para sa sarili kundi para sa inyong pamilya. But we should not let our fear bring out the worst in us. These discrimination are the exception, not the rule–and the most of our kababayan stand ready to help in our time of need,” dagdag pa ni Nograles. (Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad