Abante Tonite Interactive

Tunay na Gilas program ibalik

466

Ilang bersyon na ng Gilas ang nasaksihan ng mga Pilipino, dumaan sa rurok ng tagumpay nang mapatid ang ‘Korean curse’ noong 2013, taong 2014 ay nakasungkit ng isang panalo sa Spain 17th FIBA World Cup 2014.

Ngayong taon ang isa sa mga pinakadismayadong performance ng national men’s basketball team, sa FIBA Asia qualifier pa lang ay nakita na ang ilang pagkukulang nang matalo ng magkasunod kontra Kazakhstan at Iran kahit tangan ang homecourt advantage.

Tapos nito ay pinadapa sa World Cup ng ilang lower-ranked team tulad ng Angola at Tunisia, dagdag pa ang naging patama ng Serbian coach na tila sinasabing ‘di belong ang Pilipinas sa world stage.

Kung titingnan, ilang mga problema ang kinaharap ng national team bago tumulak sa Foshan, China, nandiyan ang mga na-injure na manlalaro na sana’y shoo-in sa Final 12 na sina Matthew Wright at Marcio Lassiter, gayundin ang kakulangan ng ensayo lalo na sa ilang key player tulad nina June Mar Fajardo, Roger Pogoy at Troy Rosario dahil kinailangan pang tapusin ang PBA Commissioner’s Cup finals.

Marami tuloy ang kumukuwestiyon kung magiging maganda ba para sa programa na puro bagito ang ilagay, pinatunayan ito ng mga rookie pa lamang na sina CJ Perez at Robert Bolick na naging silver lining ng koponan sa international stage.

Matatandaan na ito naman talaga ang naging core ng Gilas nang una itong matatag, kumuha ng mga manlalaro mula sa collegiate/amateur ranks at dito bumuo ng koponan na pinambala sa FIBA.

Ilan sa mga original cast ng Gilas ay sina Chris Tiu, Mark Barroca, Marcio Lassiter at naturalized player Marcus Douthit. Naging maayos ang performance ng Pilipinas sa FIBA Asia, muntikan nang makapasok sa Olympic qualifying tournament ngunit natapat sa South Korea sa bronze medal game.

Taong 2012 ay balik nang muli sa pagsandig sa professional player ang programa, naging matikas lalo na sa pagkuha kay NBA journeyman Andray Blatche at dito na muling nakaabot sa FIBA World Cup.

Ngunit nag-regress na ang programa buhat nang umalis ang mga ‘puso’ na sina Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, at ngayon ay si Jayson Castro.

Habang ang mga manlalarong ‘di pa nakakatungtong sa PBA ay patuloy ang pagpapakitang-gilas, nandyan sina AJ Edu, Kai Sotto, Kobe Paras, Ricci Rivero, Thirdy Ravena at ang US-based na si Remy Martin.

Kung long-term plan ang nais ng Gilas, dapat nang magsimula ito ngayon, hatakin na ang lahat ng mga malalakas na amateur player at bumuo muli ng pool na ‘di pa nakatali sa kahit anong commitment nang sa gayon ay ‘di na kailanganin pang magpakahirap sa paghagilap ng manlalaro at paniguradong tatagal pa ang programa.