Abante Tonite Interactive

Tunay na kamay na bakal sa PNP

By
343

Nanginginig na nga ba ang tumbong ng mga pasaway at iskalawag na miyembro ng Philippine National Police?

Kasunod ito ng pormal nang panunungkulan ni P/Director Oscar Albayalde bilang bagong Chief PNP kahalili ni P/Director General Ro­naldo ‘Bato’ Dela Rosa na pamumunuan naman ang Bureau of Corrections (BuCor).

Kung kilala si Dela Rosa bilang hepe na mahilig magpatawa at minsan ay mag-drama, patok naman ang pangalang ‘Oca’ sa pagiging istrikto na pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpili niya ng bagong PNP Chief.

Abante Hiring – IT dep

Noong nasa NCRPO pa, sinampolan ni Albayalde ang mga pulis-Metro Manila ng kanyang pagiging istrikto upang madisiplina ang mga pulis.

Maraming pulis ang nasibak sa puwesto nang maabutang patulog-tulog at lasing sa loob ng kanilang mga istasyon, at mga nasermonan sa gitna ng kalsada dahil sa pa-text-text lang habang nasa kalsada.

Hindi nga siya nangimi na sibakin ang buong puwersa ng Caloocan City Police dahil sa sunod-sunod na sablay at mga kontrobersyang kinasangkutan.

Sa pag-upo ni Albayalde bilang pinakamataas na pinuno ng PNP, bukod sa Pangulo, nakamatyag ang publiko kung magpapatuloy ang pagiging ‘disciplinarian’ niya sa mga tauhan o magbabago dahil sa nasungkit na ang puwesto na pinapangarap ng lahat ng pulis na dumaan sa PMA o PNPA.

Ngunit umaasa ang marami na hindi dito hihinto si Albayalde na mas tumaas ang puwesto; mas lumaki ang pananagutan.

For the record, naniniwala ako na nakararami pa rin ang matitinong pulis na handang maglingkod sa publiko ng buong katapatan.

Marapat lang dahil sa napakalaki na ng itinaas sa kanilang suweldo na kinaiinggitan na ng ibang empleyado sa pamahalaan. Ngunit hindi pa rin naman nawawala ang mga tamad, bastos, at mga iskalawag na pulis na sangkot sa halos lahat ng uri ng iligal maging sa iligal na droga.

Sa pag-upo ni Alba­yalde bilang PNP Chief, umaasa ang sambayanan na lalong malalantad sa publiko sa tulong ng media ang mga bugok na pulis na ito. Matukoy, masampahan ng kaso at mapatawan ng parusa. Nararapat nga kung may gagawa ng batas na doble ang parusa sa mga alagad ng batas na sila mismo ang lumalabag.

Malaki ang ekspektasyon ng taumbayan kay Albayalde na inaasahan na tutumbasan niya. Sa ngayon, malamang, na­nginginig na nga ang mga pasaway at iskalawag na mga pulis.