Abante Tonite Interactive

Tunay na kaunlaran, tao naman!

By
174

Nakasalang na sa plenaryo ng House of Representatives ang House Bill 8169 o ang Fiscal Year 2019 Gene­ral Appropriations Bill (2019 GAB) na naglalaan ng P3.757 trilyon sa national budget para sa susunod na taon.

Sa presentasyon sa House Committee on Appropriations noong July, iginiit ng Deve­lopment Budget Coordination Committee na gawin nang cash-based ang 2019 national budget.

Sa ilalim ng natu­rang budgeting system, ang lahat ng programa at proyekto ng gobyerno para sa susunod na taon ay dapat maipa­tupad at maihatid sa parehong taon.

‘Revolutionary!’ Ito pa ang sabi ni Budget Secretary Ben Diokno. Ayon sa kalihim, kauna-unahan ito at mapapabilis daw ang pakinabang ng tao sa mga programa at proyekto ng pamahalaan. Hindi rin daw matetengga ang pera sa mga imprastruktura at serbisyo na hindi pa naman kailangang bayaran.

Kung sinasabi nilang isang reporma ang cash-based budgeting system, bakit may mga pangunahing departamento at ahensiya ng gobyerno ang tinapyasan ng pondo?

Ilan dito ang Department of Education (P76.2 bilyon); Department of Health (P38.7 bilyon); Department of Social Welfare and Development (P5 bilyon); Commission on Higher Education (P10.8 bilyon); at Department of Public Works and Highways (P95 bilyon).

Kung bawas ang pondo, bawas ang serbisyo. Ang tao, dusa. Kawawa na naman.

Dahil dito, ang tanong ngayon: Ilang mga silid-aralan, ospital at health center ang hindi maipatatayo? Ilang mga college student ang titi­gil sa pag-aaral? Ilang mga indigent ang hindi mahahatiran ng ayuda ng DSWD? Ilang kilometro ng kalsada o ilang imprastrukturang pambayan ang hindi maipagagawa?

Ganito kalala, mga kapatid. Pero kung bubuklatin mo ang 2019 GAB, makikita mo na ang pondo para sa ‘Build, Build, Build’ ay halos isang trilyong piso. Ang bida nga ni Secretary Diokno, mayroon silang 10 big ticke­t projects para sa 2019.

Nakasalalay ang pagiging matatag at produktibo ng isang nasyon sa kung anong edukasyon at kalusu­gan mayroon ang mga mamamayan nito at pati na sa mga bata­yang imprastrukturang nagbibigay ng dignidad sa kanila.

Mas nararapat na unahin ang pamumuhunan para sa pag-unlad ng tao kaysa pagpuntirya na maging ‘Golden Age of Infrastructure’ ang panahon ng panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon.