Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tuob o Suob, makakatulong nga ba laban sa Covid-19?

0 590

Bata pa lang ako, alam ko na ang suob. Turo ‘yan ng albularyo sa nanay ko kapag nilalagnat kami at matindi ang ubo at sipon. Noong ako ay manganak, pinayuhan din ako ng nanay ko na mag-suob para raw hindi ako mabinat.

Isang timba o kalderong may mainit na tubig at asin, na minsan ay nilalagyan pa ng dahon ng mangga, tanglad, kamias, at suha, ang ipine-puwesto sa ilalim ng upuang de solihiya at saka isasaklob sa aking katawan hanggang ulo ang isang kumot. Medyo may siwang ang kumot at malayo ako sa mainit na tubig. Nilalanghap ang usok ng mga lima hanggang 10 minuto at pagkatapos nito ay pupunasan ka ng tuyong tuwalya. Noong ginagawa sa akin ito ng nanay ko, himalang nawawala nga ang ubo’t sipon at lagnat ko sa madaling panahon.

Ngayon, pinagtatalunan kung makakatulong nga ba o hindi sa may Covid-19 ang pag-su-suob, lalo na sa Cebu kung saan isang siruhanong naniniwala rin sa alternative medicine ang nagsusulong nito.

Pinag-aaralan ngayon ni Dr. Dale Pasco, isang Cebuano, ang kanyang mga nakolektang data mula sa 26 na pasyenteng gumanda ang kondisyon makaraang mag-tuob. Kahit ang kanyang kapatid na babae na nasa New York at nagkaroon ng Covid-19 ay hindi raw natuloy na ma-intubate makaraang mag-tuob. Natuklasan din niyang sa Malaysia, matagal nang ginagawa ang hydrotherapy na ito.

Pero para kay Dr. Maricar Limpin, isang pulmonologist, ang pagtu-tuob o steam inhalation ay maaaring makapagpalala pa ng pagkalat ng Covid-19 virus.

“Sa siyensya, walang evidence na makakatulong ang steam inhalationin. In fact, yung mist na nakukuha natin sa usok na lumalabas sa pagpapakulo ng tubig, medyo malalaki po ang particles na ‘yan. At ang malaking particles ng tubig, maaaring makairita sa daanan ng paghinga, at maaaring maging dahilan ng pag-ubo. Kapag umubo ang tao, lalong kakalat ang virus.”

Habang pinagdedebatehan kung panlaban nga ba sa Covid-19 o hindi ang tuob, ang ating mga kababayang takot sa virus ay sinusubukan ang lahat para lamang malabanan ito lalo na kung walang pampa-ospital o hindi tinatanggap sa ospital. Sa katunayan, karamihan sa mga Pilipinong nasa abroad na tinatamaan ng Covid-19 ay tuob ang sinasandigan lalo na kung hindi makahinga ng maayos. Ang masaklap, dahil tuob lang at walang maayos na supportive treatment tulad ng mga gamot at bitamina, nauuwi ang ilan sa kamatayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.