Abante Tonite Interactive

Tupada ng konsehal, barangay chairman at dating city hall official ipinasasara ni Isko

669

Ipinasasara ni incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga iligal na tupadahan na pag-aari umano ng isang aktibong konsehal, barangay chairman at dating opisyal ng Manila City Hall na nag-o-operate sa iba’t ibang ba­hagi ng siyudad bago pa siya opisyal na umupo bilang bagong alkalde ng lungsod.

Ayon sa source, personal na kinausap ni Domagoso ang kampo ni Manila Councilor Jesus ‘Taga’ Fajardo para ipasara ang tupadang ino-ope­rate umano nito sa likod ng Almario St. sa Barangay 19, Zone 2 sa District 1. Ang kanyang anak na si Jesus ‘Bong’ Fajardo Jr., ang kasalukuyang chairman ng nasabing lugar.

Nagkasama sa konseho ng lungsod sina Domagoso at Fajardo nang bise-alkalde pa ang una.

Binalaan na rin umano ni Domagoso ang kampo ni Chairman Randy Sy na ipatigil na ang ope­rasyon ng tupada nito na matatagpuan naman sa Pacheco St. sa Tondo. Matatandaang tumakbo ring konsehal sa lungsod si Sy pero natalo ito.

Maging ang tupada na ino-operate ni dating Manila Parking and Traffic Bureau (MPTB) Chief Dennis Alcoriza sa Vitas St. sa Tondo ay pinasasara na rin ni Domagoso. Ayon sa mga sources sa Manila City Hall, hindi na muling nagpakita o nagparamadam si Alcoriza simula nang magbitiw ito sa kanyang posisyon habang nasa kasagsagan ng kampanya sa eleksyon noong Mayo.