Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Turismo, agri nganga sa P34B ayuda

0 114

Dalawang departamento ng gobyerno ang hindi pa umano natatanggap ang ayudang kaloob sa kanilang sektor sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Law o Bayanihan 2.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang P86.3 bilyong budget ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Undersecretary Rodolfo Vicerra na hindi pa rin natatanggap ng kagawaran ang P24 bilyong dagdag pondo nito mula sa tanggapan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado.

“Wala pa po. We have been submitting the requirements po ng DBM pero wala pa pong na-release,” pahayag Vicerra sa mga senador.

Sabi ni Senador Cynthia villar, chairperson ng Senate committee on agriculture, kailangang maipasa na ng DBM ang pondo sa DA dahil magpapaso na ang Bayanihan 2 sa Disyembre 19, 2020.

Iginiit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ipararating niya sa Bayanihan 2 Joint Congressional Oversight Committee ang mabagal na pag-release ng pondo sa DA.

Samantala, sa pagdinig sa panukalang P3.8 bilyong budget ng Department of Tourism (DOT), sinabi ni Secretary Bernadette Romulo-Puyat na hindi pa nararamdaman ng sektor ng turismo ang tulong mula sa Bayanihan 2 dahil hindi pa naibibigay ng DBM ang P10 bilyong pondo para sa kanila.

Ayon kay Puyat, mahigit 5,000 micro, small, and medium tourism enterprise ang magbebenepisyo sa P6 bilyong loanable fund na nakalaan para sa Small Business Corporation ng DTI.

Mahigit P3 bilyon naman ang gagamitin bilang tulong sa mga nawalan ng trabaho sa sektor ng turismo.

“We are still following up with the DBM, It’s not yet released,” pahayag ni Puyat sa mga senador.

Duda naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na wala nang mailabas na pondo bilang ayuda sa sektor ng turismo.

“That’s the painful truth. There is authority but the authority cannot be backed up by funds,” sabi ni Drilon. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.