Abante Tonite
Mabilis sa Balita

TV host hambog

0 104

Maraming sumisilip sa totoong ugali ng isang actor-TV host na kung magsalita ay palaging mapagkumbaba at idinadamay pa ang pangalan ng Diyos.

Nagpapakawala pa siya ng mga Bible verses, pinapayuhan niya ang mga manonood na huwag mawawalan ng lakas ng loob ngayong pandemya na laganap ang kahirapan, kailangan lang daw nating kumapit nang mahigpit, huwag mawawalan ng pag-asa.

Napakaganda sana niyang ehemplo kung totoo sa kanyang puso ang mga sinasabi niya sa himpapawid, pero mismong mga kasamahan niya ang nagsasabing it’s all for show, dahil ibang-iba ang kanyang kanaturalan.

Kuwento ng aming source, “Mahirap palang katrabaho ang actor-TV host na ‘yun dahil punumpuno siya ng ego. Ayaw niyang kinokontra ang gusto niyang mangyari, kailangang masunod ang lahat ng gusto niya.

“Binabaril niya ang idea ng ibang kasamahan niya, kahit ang gustong mangyari ng mga writers ng show, may kaangasan ang male personality na ito!” unang istorya ng aming source.

Ang claim to fame kuno ng actor-TV host na ito ay siya ang dahilan kung bakit nabuo ang show. Siya raw ang nakipag-usap sa prodyuser, siya ang naglatag ng format, siya rin ang kumuha ng mga production people.

Balik-chika ng aming source, “Kalokohan ang mga sinasabi niya! Hindi siya ang dahilan ng pagkabuo ng show! Wala siyang kinalaman sa format, hindi rin siya ang kumuha ng mga taong bubuo sa production, kinuha lang din siya!

“Ang totoo, nu’ng nakapasok na siya sa casting, e, sumipsip na siya nang todo sa producer! Palagi na niyang tinatawagan, nagpapalapad na siya ng papel!

“Paanong siya ang dahilan ng pagkakaroon ng show, e, wala naman siyang kaalam-alam tungkol du’n? Mga taong galing sa dati nilang network ang nagbuo ng show, wala siyang participation du’n!

“Kaya tantanan na niya ang kaangasan niya, huwag siyang nagpapakamaepal, wala siyang dapat ipagmalaki dahil hindi naman siya ang reason kung bakit nabuo ang show nila!

Related Posts

“Tantanan na rin niya ang pagdadasal-dasal sa show, kasi, hindi niya naman ginagawa ang mga sinasabi niya at puro kahambugan ang pinalulutang niya! LOL!” naiinis na pagtatapos ng aming impormante.

Mismo!

Paolo, Yen isang linggo sa Baguio

Ang gagaling ng mga Maritess! ‘Yun ang terminong tawag ngayon sa mga kababayan nating tumutugaygay sa mga kontrobersiyang bumabalot sa mga artista.

Meron na silang mga gadgets na parang CCTV, malaking grupo ito na may kani-kanyang destinasyon, kaya nakukuha nila ang mga detalye tungkol sa mga personalidad na palihim na nagkikita.

Pinagkakakitaan nila ‘yun sa kanilang vlog, hindi nila inilalabas nang isang buhos lang ang kanilang nadiskubre, paunti-unti nilang inilalabas ang kanilang mga ebidensiya.

May petsa ang kanilang mga retrato, du’n nila pinasinungalingan ang pahayag ni Paolo Contis na isang araw lang silang magkasama ni Yen Santos sa Baguio, kasama na ang pagsisimba nila sa Manaoag.

Hindi puwedeng mangyari ‘yun, pagdidiin ng mga Maritess, hindi nu’ng August 25 lang sila magkasama, dahil meron pa silang retratong magkasama nu’ng September 3. Isang linggo palang magkasama sa Baguio sina Paolo at Yen Santos kung ganu’n.

Ang gagaling nilang tumutok. Nakabantay talaga sila. At hindi sila umaasa sa CCTV ng Baguio at Manaoag dahil meron silang mga sariling gadgets.

Naging instant superstar sina Paolo at Yen na binantayan-tinutukan talaga ng mga Maritess. Hindi kaya sila rin ang tinutukoy na source ni LJ Reyes na nagsasabi sa aktres ng mga sightings tungkol kina Paolo at Yen?

Kapag ganyan kaaktibo ang mga Maritess ay kailangan nang mag-ingat ang mga personalidad na may itinatagong lihim. Lalo na ang mga artistang playboy na mahilig mamangka sa maraming ilog, matakot na sila, dahil may mga Maritess nang nakatugaygay sa kanilang mga galaw.

Leave A Reply

Your email address will not be published.