Abante Tonite Interactive

UAAP: LADY TAMS KUMAKAWAY SA F4

By
5

Kumakawag-kawag na ang Far Eastern University sa Final Four nang suwagin ang National U 25-21, 25-21, 25-22 sa UAAP Season 79 wo­men’s volleyball sa MOA Arena kahapon.

Nanguna sina Bernadeth Pons at Toni Rose Basas para sa Lady Tams nang magtala ng 16 at 14 points.

Tinablahan ng FEU ang biktima sa 7-6.

Abante Hiring – IT dep

“Sobrang laking pam-boost ng morale sa team namin ng panalo,” pahayag ni FEU assistant coach Arielito Canlas.

Sunod na kakalabanin ng mga taga-Morayta ang pambato ng Diliman na UP sa Miyerkules.

“Preparation (na rin namin ito) against UP. Automatic ‘yan, ‘yung performance nila ngayon pwedeng maging (inspirasyon) sa game namin against UP,” dagdag niya.

Sigurado na ang La Salle (11-2) at Ateneo (10-2) sa top two spots ng kumpetisyon, samantalang ang University of Santo Tomas at UP ay tabla sa ikatlong pwesto sa 7-6.

Ibinulsa ng FEU ang back-to-back wins samantalang nabaon ang NU sa dalawang sunod na talo.

Nagtapos si NU team captain Jaja Santiago ng 20 points para sa Lady Bulldogs, nag-ambag ng 11 si Jorelle Singh.

Sa unang laro, tila hindi man lang pinagpawisan ang defending champion La Salle nang madaliin ang Adamson 25-13, 25-14, 25-16.

Tumapos si Majoy Baron ng 13 markers para sa Lady Spikers, may pinagsamang 15 points sina Desiree Cheng at Ernestine Tiamzon.

Tanging si Jema Galanza ang nag-abala para sa Adamson na may 12 puntos.