Abante Tonite Interactive

Uber na, Grab-e pa!

131

Hindi lang ang sektor ng mga namamasada ng jeepney ang problemado nitong nakaraang mga araw, kung hindi maging ang nasa sektor ng pumapatok na transport network companies (TNCs) na Uber at Grab.

Kung ang mga pang-anakpawis na jeepney driver­ eh tigil-pasada ang birada sa pagtutol sa programa ng pamahalaan, ang mga pangsosyal na Uber at Grab, aba’y sa social media bumanat.

Ang mga jeepney driver kasi ay nangangamba na baka mabura na sa kalye ang kanilang sasakyan na dating “hari ng kalsada” dahil sa modernization ­program na layong mabawasan ang polusyon sa kalye at mga kakarag-karag na peligrosong pampublikong sasakyan.

Ngunit kung tutuusin, hindi naman talaga sila ­aalisin kung hindi oobligahin lang na i-upgrade ang mga sasakyan para maging kaaya-aya sa paningin at kalikasan.

Ang problema, marami raw sa mga operator ang walang pera para gumastos sa bagong sasakyan.

Ito ay kahit pa sa pangako ng gobyerno na may pondong nakalaan upang gamitin sa pagpapautang sa kanila.

Samantala, usapin naman ng prangkisa ang isyu sa Grab at Uber na nais ayusin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Kung tutuusin­, may katwiran naman na maging ang ahensiya ­dahil kaligtasan din at seguridad ng mga pasahero ang ­nakataya rito.

Pero pasalamat na lang ang dalawang kumpanyang ito ng TNC dahil naging malakas ang ingay sa social media sa suporta sa kanila ng netizens, na indikasyon na marami ang tumatangkilik sa Grab at Uber.

At matapos ang pulong sa LTFRB, ilang senador at kinatawan ng TNC, pinagbigyan ng ahensiya­ ng pamahalaan na hayaan na munang makapasada ang mga drayber ng Uber at Grab habang hinihintay ang kanilang motion for reconsideration tungkol sa prangkisa.

Aba’y hindi pala biro, mga tsong, ang partehan sa kita ng TNC. Batay kasi sa isang ulat, kumita raw ang Uber ng P168 milyon mula sa singil nilang P6,000 processing fee para pa lang sa 28,000 drayber.

Bukod doon, P75 milyon daw ang buwanang kita ng kumpanya sa 25 porsiyento na bahagi nila sa ­kita ng drayber. Samantalang ang Grab, nasa P60 milyon­ daw ang buwanang kita mula sa 20 porsiyento na ­bahagi nila sa kita ng mga drayber.

At kung anong ingay ng netizens sa social media para suportahan ang Grab at Uber, tila iilan lang ang sumuporta sa mga jeepney driver. Dahil kaya sa barya lang ang singil sa pamasahe nila at walang smartphone ang mga sumasakay sa kanila?

At baka­ kung mayroon mang smartphone, wala namang pang-wifi at puro­ ­naka-free data?

Gayunpaman, ‘wag ­naman sanang ­lumipat ang mga jeepney driver bilang Uber o Grab driver dahil kawawa ang mga pasaherong walang pambayad sa mga de-aircon na sasakyan.

Laging ­tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)