Abante Tonite
Mabilis sa Balita

UCPB hacker tumangay ng P167M

0 226

Nawalan umano ng P167 milyon ang United Coconut Planters Bank (UCPB) makaraang mapasok ng mga hacker ang core system ng bangko habang nagsasagawa ng online security upgrade.

Ayon sa insider na pamilyar sa insidente, “The unauthorized access and fraudulent alterations stemmed from the replacement of Interscan Messaging Security Virtual Appliance to MS Exchange Online Protection which resulted in an increased malware.”

Ang mga malware o computer virus na ito umano ay ginagamit ng mga suspek para makapagsagawa ng surveillance at magkaroon ng remote access upang matutuhan kung paano nagpopreseso ang bangko ng pagpapadala at pagtanggap ng pera sa online, paliwanag pa ng insider.

Nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang National Bureau of Investigation Cybercrime Division (NBI-CCD) kaugnay ng reklamo na hinain ng Corporate Services and Security group ng bangko. Sa inisyal na imbestigasyon, ilang suspek ang natukoy kabilang ang dalawang Nigerian national, na ang isa ay nakapag-withdraw umano ng P4.4 milyon sa isang araw mula sa iba’t ibang ATM terminal.

Pinapakita ng mga bank record na nagbukas ng account ang Nigerian noong May 31, 2020 nang may inisyal na deposito na P2,000. May 13 account pa umano na pag-aari ng mga lokal na residente ang sangkot sa hacking at sinailalim na ang mga may-ari nito sa imbestigasyon ng NBI-CCD.

“These accounts have sudden increase of cash balance and were also withdrawn quickly,’’ sabi pa ng insider.

Bukod sa mga ATM withdrawal, nakapagsagawa pa umano ang mga suspek ng bank transfer, na nai-withdraw rin kaagad.

Hiningi ng Abante TONITE ang panig ng UCPB pero hindi nito tinanggi ang insidente at hindi rin nagbigay ng pahayag. (Nancy Carvajal)

Leave A Reply

Your email address will not be published.