Abante Tonite Interactive

Ugaliing mag-ehersisyo

Health is Wealth:

By
1,009

Walang oras. Ito ang madalas na­ting naririnig kapag ang usapan ay tungkol sa pag-e-ehersisyo at saka na lamang ito binibigyan ng oras kapag may nararamdaman at may sakit na.
‘Ika nga, “Health Is Wealth” kaya dapat na­ting pangalagaan ang ating pangangatawan.

Sa pag-e-ehersisyo ay mapananatili nating masigla at malusog ang pangangatawan na makapagbibigay ng tamang kaligayahan at mataas na kumpiyansa sa sarili.

Kaya, kung wala talagang oras para gawin ito, may mga alternatibong paraan ng pag-e-ehersisyo na maaari mo pa ring gawin at mai­singit sa napakasiksik na oras ng iyong pamumuhay na hindi na kaila­ngang magpunta sa gym o gumastos pa.

Abante Hiring – IT dep

Una, maglakad pa­punta o papauwi ­galing sa trabaho. Isa sa mga simpleng paraan ng pag-e-ehersisyo na hindi natin namamalayan ay ang pagla­lakad patungo o pagkagaling sa trabaho. Bukod sa makakatipid ka sa pamasahe, maka­tutulong din ito sa pagsunog sa mga sobrang calories sa katawan.

Pangalawa, gumamit ng bisikleta. Kung mayroon namang bisikleta, maaari itong ikonsidera imbes na maglakad papunta at pauwi galing sa trabaho o eskuwela. Bukod sa mas mabilis itong paraan kaysa sa paglalakad, wala rin itong kontribusyon sa polusyon sa kapaligiran.

Pangatlo, maglinis ng bahay. Ang paglilinis ng tahanan ay isang mahusay na paraan ng pag-e-ehersisyo. Tiyak kang pagpapawisan sa simpleng pagwawalis, pagpupunas ng mga bintana, pagpapakintab ng sahig, at paglilipat ng mga kagamitan sa bahay. Nalinis mo na ang bahay mo, nakapag-ehersisyo ka pa.

Pang-apat, ikonsidera ang paggamit ng hagdanan imbes na elevator at escalator. Gawin ito kung mahaba pa naman ang oras at hindi pa late sa trabaho o sa eskuwela. Sa ganitong paraan, masasanay nang husto ang mga kalamnan sa hita at pati na ang sirkulasyon ng dugo at paghinga.

Panglima, maglibang sa iba’t ibang uri ng sports. Isa ito sa mahusay na paraan ng pag-e-ehersisyo tulad ng larong basketball, volleyball, at soccer at iba pang uri ng sports na ayon sa iyong hilig.