Abante Tonite
Mabilis sa Balita

UHC Law rebisahin para `di itaas kontribusyon – Marcos

0 75

Kinakailangang sertipikahan bilang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-amiyenda sa Universal Health Care (UHC) Law para hindi na itaas pa ang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayon taon, ayon kay Senador Imee Marcos.

“Ang magandang intensyon ay kinakailangang suportahan ng amyenda sa batas,” pahayag ni Marcos.

Ginawa ng senadora ang panawagan kasunod ng pahayag ng Pangulo na dapat suspendihin ang premium contribution sa PhilHealth sa gitna ng gipit na kalagayang pinansyal ng mamamayan dulot ng COVID-19 pandemya.

SM food to go Banner Ad

Nauna nang inihain ni Marcos ang Senate Bill No. 1966 para suspendihin hanggang 2022 ang ligal na mandato ng PhilHealth na magtaas ng membership contribution ng 0.5% sa taong ito upang maging 3.5%.

Sa ilalim ng UHC Law, ipatutupad rin ang 0.5% na pagtaas bawat taon hanggang sa 2025 kung kailan aabot ang PhilHealth contribution sa 5% ng suweldo ng mga miyembro.

Ayon kay Marcos, ang pag-amyenda sa batas na ipinasa noong 2019 sa panahon ng 17th Congress ang makakaresolba sa problema ng mga opisyal ng PhilHealth na “obligadong ipatupad ang batas ngunit kailangan rin tumugon sa tawag ng panahon.”

“Maaari kasing akusahan silang nagpabaya sa tungkulin kung hindi nila ipatutupad ang mandato sa ilalim ng umiiral na UHC law,” aniya pa. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.