Abante Tonite Interactive

Ultra Lotto winner sa Samar nangutang para makuha ang panalo

415

Inihayag kahapon ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Office na kinubra na ng taga-Borongan, Eastern Samar na isa sa dalawang nanalo sa Ultra Lotto 6/58 ang kalahati ng higit P1 bilyong jackpot prize.

Ayon kay Arnel Casas, assistant general manager for gaming ng PCSO, mahirap na tao ang bagong lotto multi-millionaire at nangutang pa umano ito ng pera para may magamit na pamasahe upang makaluwas ng Metro Manila at kubrahin ang kanyang pera sa opisina ng PCSO sa Mandaluyong City.

Sabi ni Casas, nasa P590,311,264 ang parte sa jackpot na ibinigay sa nanalong taga-Borongan pero P472 milyon lang ang kanyang maiuuwi dahil kinaltasan ito ng 20% buwis.

Noong Martes umano nagtungo sa opisina nila sa Mandaluyong ang jackpot winner na isang lalaki, para kubrahin ang kanyang napanalunan.

Ayon kay Casas, pamilyado ang lotto winner, nasa ‘middle age’ at ‘galing sa masa’.

May kasama umano ito na isa pang lalaki at sinabing nangutang pa sila ng pamasahe para makaluwas mula sa Borongan.

Samantala, hindi pa umano kinukubra ng isa pang nanalong taga-Albay ang pera nito.

May 360 araw umano ang naturang mana­naya para kubrahin ang kanyang napanalunan at kapag natapos ito na hindi pa nakukuha ang pera ay ilalagay ng PCSO sa charity fund nila ang premyo.