Abante Tonite Interactive

Umaakyat sa bundok

205

Nanaginip po ako na umakyat daw ako ng bundok. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Ang bundok sa panaginip ay sumisimbolo sa pangarap o goals mo sa buhay pero maaari rin namang sumisimbolo ito sa mga obstacles o hadlang na nararanasan mo kaugnay ng mga pinapangarap mo. Ang bundok ay puwede ring simbolo ng malaking hamon na kinakaharap mo.

Ang panaginip tungkol sa pag-akyat ay maikokonek naman sa mga ginagawa mong pagsisikap para makamit ang tagumpay. Gayunpaman, kung sa iyong panaginip ay wala kang malinaw na misyon sa iyong pag-akyat ay indikasyon na may dapat kang rebisahin ang iyong mga plano.

Abante Hiring – IT dep

Wala kang ibang ikinuwento kundi ang pag-akyat mo sa bundok at hindi mo rin nasabi kung nara­ting mo ang tuktok. Ang pag-akyat ay isang positibong panaginip kung nagawa mong makarating sa itaas, kung walang pumilit sa iyo na umakyat at kung nag-eenjoy ka habang ginagawa mo ang pag-akyat.

Negatibo naman ang indikasyon kung hirap na hirap ka sa pag-akyat at hanggang sa pinakahuling tagpo sa iyong pa­naginip ay paghihirap lamang ang naiwan sa iyong pakiramdam.

Kadalasan nagkakaroon ng ganitong panaginip ang isang tao kung may mga binubuo kang plano sa isip mo. Maaring nakapokus ang isip mo sa isang promosyon na gusto mong makuha. Kung halimbawang nag-uumpisa ka pa lamang sa isang trabaho ay posible rin ang ganitong panaginip.

Posible rin ang ganitong panaginip kung ikaw ay nasa isang sitwasyon kung saan may pakiramdam kang kailangan mong makipag-unahan para makuha ang isang hinahangad mo.

Kung gaano kataas ang inakyat mo ay puwede namang indikasyon kung gaano katayog ang pangarap mo.

Ikaw pa rin ang makapagbibigay ng eksaktong kahulugan ng iyong panaginip dahil ikaw lamang ang tunay na nakakaalam ng iyong pinagdaraanan at ng iyong sitwasyon sa buhay. Sa kabuuan, makabubuting ituring ang iyong pana­ginip na isang paalala na gaano man katayog ang bundok, gaano man kalaki ang isang hamon na iyong kinakaharap, kung ito’y pag-uukulan mo ng pokus at pagbubuhusan ng effort, meron ka pa ring mararating. Tuloy lamang sa pag-akyat, tuloy sa paglaban at tuloy sa pagsisikap!

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng gene­ral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.