Abante Tonite Interactive

Umaapaw na kuwarta

508

Boyet Jadulco

Marami ang naghihirap na pamilya sa Pilipinas pero maniniwala ba kayong umaapaw ang kuwarta sa bansa.

Hawak ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan dahil sa epis­yente nilang pamamalakad, umaapaw ang kanilang international reserves at daig pa ang hawak ng Australia at Ca­nada. Kasinglaki daw ito ng international reserves ng European Central Bank.

Sa kabila ng umaapaw na kuwarta, wala namang umiiral na batas para mabantayan ang tamang paggamit ng reserbang pera.

Sa ibang bansa kasi, may itinatag silang sovereign wealth fund o SWF.

Sa mga bansang Singapore, United Arab Emirates at Norway, mayroon silang SWF. Sila ang gumagawa ng kuwarta sa pamamagitan ng mga pamumuhunan sa stocks, bonds at mga kompanyang nagpapasigla sa capital market.

Actually, may naka­binbin nang panukala sa paglikha ng SWF sa Senado.

Isinampa ito noong Mayo 2018 at tumambay lamang sa committee level. Dahil sa nalalapit na ang ‘sine die’ adjournment ng Kongreso, malabo nang maipasa ang nasabing panukala.

Maganda sana itong ideya kaysa naman pahirapan ang mga mamamayan sa pinaiiral na buwis. Sana may maghahain muli ng nasabing panukala sa 18th Congress.

***

Saan naman kaya nakuha ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kanilang basehan na sa halagang P10,481 ay mabubuhay na ang isang pamilyang may limang miyembro sa loob ng isang buwan. Puwede siguro ito kung sardinas o noodles ang ipapakain ng magulang sa tatlo nilang anak. Hindi na rin sasakay ng jeep patungong eskwelahan kundi maglakad na lamang ng ilang kilometro.

Sa kwenta ng PSA, lumalabas na P69.87 bawat araw ang budget ng isang pamil­yang may limang miyembro. Sa TV lang nakakatawa ang bente pesos na komersyal, pero sa tunay na buhay ay hindi mo mapapagkasya ang sinasabing budget ng isang pamilya.