Abante Tonite Interactive

Umakyat sa pader

355

Napanaginipan ko na umaakyat ako sa isang mataas na kulay puting pader, may mga tali ito at ito ang gamit ko para makaakyat at may tumulong sa akin, pero hindi ko makita ang mukha niya.. At dahil sa tulong niya naakyat ko ang napakataas na pader na yun.

Ang panaginip tungkol sa pader ay sumisimbolo sa isang obstacle o hadlang na itinuturing mong nakakapigil para makuha mo ang iyong goals sa buhay. At dahil sa iyong panaginip ay nagawa mong maakyat ang pader na ito, masasabi nating positibo ang iyong panaginip.

Sa iyong panaginip, mataas ang pader at kulay puti. Indikasyon naman ito na anuman sa aktuwal na buhay ang itinuturing mong ‘pader’ na pumipigil sa mga plano mo ay malaking hadlang para sa iyo. Dahil kulay puti ito, kitang-kita mo ang pader na ito. At kung ita-translate nga sa aktuwal ay obvious para sa iyo na may hadlang nga sa mga plano mo.

Dahil ito ang naging topic ng iyong panaginip, sa aktuwal na buhay ay apektado ka sa hadlang na ito. Malaking bagay para sa iyo kaya naman hanggang sa panaginip ay ipinaalala ito ng iyong subconscious.

Ang pader sa panaginip ay itinuturing ding may kinalaman sa ‘masculine influence’ sa iyong buhay. Kaya dapat mo ring ikonsidera kung sa mga plano mo sa aktuwal na buhay ay may isang lalaking tila nagsisilbing hadlang.

Related Posts

Rebisahin ang relasyon mo at ng iyong ama. Depende sa iyong edad, ang ama ay maaaring maging malaking sagabal sa iyong mga plano. Madalas na kumokontra ang ating mga ama sa plano natin lalo na kung sa tingin nila ay maaagrabyado ka sa papasukin mo. Halimbawang sa pakiki­pagrelasyon, madalas ay nagiging hadlang ang ating mga ama.

Kung ikaw naman ay meron nang asawa, maaaring ang ‘pader’ na naging representasyon sa iyong panaginip ay tumutukoy sa iyong mister. Puwede ring sa iyong boyfriend kung ikaw naman ay ‘in a relationship’ pa lamang.

Sinabi mo rin na sa panaginip mo ay may mga tali ang pader. At maikokonek mo naman ito kung sa aktuwal na buhay ay positibo kang magagawa mong lusutan ang anumang hadlang. Maaring ang mga tali na ito ay sumisimbolo sa iyong mga diskarte sa buhay, sa iyong mga planong inilalatag.

Habang ang tao naman na tumutulong sa iyong pag-akyat ay maaaring ikonek sa ‘support group’ na nakapaligid sa iyo: mga kaibigan, kapamilya at kung sino pang mga karakter na la­ging nakaalalay sa iyo.

Sa kabuuan, ang iyong panaginip ay nagpapakita ng iyong positibong pananaw. Meron mang mga hadlang sa iyong daan, kumpiyansa kang ang mga ito’y malalagpasan. Stay positive para kahit anuman ang hamon ng buhay ay ka­yang-kaya mong lagpasan!

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher­@gmail.com.