Abante Tonite Interactive

Umalma sa car ban

308

Marami ang umal­ma sa suhestiyon ni Caloocan City Rep. ­Edgar Erice na ipagbawal ang mga priba­dong sasakyan sa kahabaan ng EDSA tuwing rush hour. Nais ni Erice, vice chair ng House committee on Metro Manila deve­lopment, na mga pampublikong sasakyan lamang ang dadaan sa EDSA tuwing 6-9 ng umaga at 6-9 ng gabi.

Maganda sana ang panukala ni Cong Erice dahil makikinabang dito ang mga karaniwang manggagawa na suki ng mga public transportation. Sila ‘yung mga walang kakayahan na bumili ng ­sasakyan kaya nagtitiis na sumakay at makipagsiksikan sa tren, bus, UV Express at jeepney.

Umaabot daw kasi sa 300,000 pribadong sasakyan ang dumadaan sa EDSA kada araw kumpara sa 8,000 pampasaherong bus. Kung pagbabawalan ang mga pribadong sasakyan, ang biyahe mula Caloocan patu­ngong Makati ay baka abutin na lamang ng kalahating oras mula sa 2 hanggang 3 oras na biyahe sa kasalukuyan.

Kinontra agad ito nina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senate President Pro-Tempore Ralph Recto. Katuwiran ni ­Sotto, mas mabuting ­ipatupad ang kanyang panukala na ipagbawal ang ­parking sa mga kalsada.
Nanga­ngamba naman si Recto na malaki ang mawawalang kita sa gobyerno dahil sa mga private car ikinakarga ang sangka­terbang buwis.

Related Posts

Umusok din ang social media dahil sa mga reaksyon sa panukala ni congressman Erice. Marami ang nangatuwiran kontra sa panukala, may ilan naman ang namersonal. Sa panig naman ng MMDA, nakikinig sila sa lahat ng suhestyon pero hindi nila masabi kung maipatutupad ito dahil ang council ang siyang nagpapatibay nito.

Habang wala pang maayos na mass transport system sa Metro Manila, hindi pa rin mawawala ang problema ng trapik. Mayroon ngang MRT-3 na tumatahak sa kahabaan ng EDSA pero hindi nito kinakaya ang volume ng mga taong nagbibiyahe. Dagdag pa rito ang madalas na pagkasira ng mga bagon.

Marami namang ginagawang proyekto ang gobyerno na magreresulta ng ­pagluwag ng trapiko sa Metro Manila. Pero habang hindi pa ­natatapos ang mga ito, magtiis muna tayo sa araw-araw na ­trapik. Kumbaga, nauna ang pahirap bago ang ­ginhawa.