Abante Tonite Interactive

Umayaw sa pogo binugbog, ginutom

467

Nasagip ng mga anti-kidnapping operative ng Philippine National Police (PNP) ang apat na Malaysian sa isang safe house sa San Pedro, Laguna kung saan sila dinala at pinahirapan ng mga Chinese na katrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Arestado naman ang 17 Chinese national na kinilala sa mga panga­lang Chao-Min Weng, 26; Xiongxing Gan, 23; Jiang Yang, 27; Haihua Liang, 22; Jin Tang, 21; Zhoujing Yu, 27; Xinjian Tang, 25; Mingyun Hoh, 21; Zhang Hao, 28; Go Jun, 23; Haiyang Duan, 23; Zhang Lihong, 23; Rung Mei Sun, 21; Masdi Jadi, 36; Yam Chak Wan, 27; Sun Bin, 29; at Chen Ming, 23.
Inaresto rin ang dalawang kasab­wat nilang Pinoy na kinilalang sina David Acosta, 31, at Joseph Indicio, 29.

Nakilala ang mga ni-rescue na Malaysian na sina Tan Hang Yi, Kho Soon Chiang, Cheam Chun Keat, at Jonathan Ting Zhi Haw.

Ayon kay PNP Anti-Kidnapping Group director Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, may kinalaman ang insidente sa operasyon ng POGO kung saan gusto na umanong umalis ng apat na Malaysian sa kanilang trabaho pero ayaw payagan ng employer.

Ikinasa ang rescue operation noong Biyernes, Pebrero 14, matapos na may humingi ng tulong mula sa International Police sa pamamagitan ng Philippine Center for Transnational Crime. Agad namang nahanap ang safe house sa Chrysanthemum Village sa San Pedro na ayon kay Estomo ay isang POGO hub.

Nabatid na ikinulong ng mga suspek sa naturang safe house ang apat na Malaysian at doon nila ginugulpi ang mga ito at hindi rin pinapakain.
Sinabi naman ni PNP-AKG spokesman Police Maj. Ronaldo Lumactod na ang apat na Malaysian ay ni-recruit para magtrabaho bilang mga card dealer sa isang casino sa Metro Manila at pina­ngakuan ng malaking sahod at iba pang benepisyo tulad ng libreng matutuluyang hotel.

Nabatid na dumating ang mga biktima noong Biyernes, Pebrero 14, at hindi nagkasundo sa sapat na bayaran kaya nagpasya ang mga ito na umalis na lang pero ikinulong sila ng mga employer sa safe house sa San Pedro at hiningan pa ng malaking halaga kapalit ng kanilang kinumpiskang passport at kalayaan.

Isang kamag-anak ng isa sa mga biktima ang nakapagbayad na umano ng malaking halaga pero hindi naman ito pinakawalan kaya gumawa ng paraan para mahuli. Humingi ng tulong ang kaanak sa gobyerno ng Malaysia at ipinasa naman sa Interpol ang impormasyon na siyang nag-alerto sa PNP-AKG para masagip ang mga biktima. (Vick Aquino)