Abante Tonite Interactive

Umento sa pensyon ng MUP, tuloy

254

Tuloy na ang umento sa pensiyon ng mga retiradong Military and Uniformed Personnel (MUP) makaraang maglaan na ng sapat na pondo ang Department of Budget and Management (DBM).

Kaugnay nito, nagpasalamat si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, miyembro ng Philippine Military Academy Class 1971, kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa dagdag na benepisyo sa ilalim ng Joint Resolution No. 1.

“On behalf of the 220,000 MUP retirees, let me say a lifetime ‘THANK YOU’ to PRRD for Joint Resolution No 1. No other President has shown such concern for those who served and offered their lives for country and people. All we have to do is continue breathing for as long as we can,” saad ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Inanunsyo ng DBM na inilabas na nila ang pension requirements para sa retiradong MUP.

Kabilang sa mga makikinabang sa dagdag na benepisyo ay ang mga retiradong MUP ng Armed Forces of the Philippines-General Headquarters (AFP-GHQ), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon sa DBM, inilabas na nila ang P29.9 bilyon para sa AFP-General Headquarters; P21.7 bilyon sa Philippine National Police; P1.9 bilyon sa Bureau of Fire Protection at tinatayang P731 milyon sa Bureau of Jail Management and Penology.

Sa deliberasyon ng national budget ngayong taon, isinulong ni Lacson ang dagdag pondo na umaabot sa P876.42 milyon sa Pension and Gratuity Fund para sa P15,000 na dagdag sa pensiyon ng 4,869 na beterano.

Si Lacson din ang nagsulong ng Senate Joint Resolution, kasama ang kanyang mistah na si Senador Gregorio Honasan II, na naglalayong dagdagan ang base pay ng uniformed personnel sa pamahalaan na nagresulta sa pagkakalikha at pagkakaapruba ng Pangulo sa Joint Resolution No. 01.(Dang Samson-Garcia)