Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Umiinit na ang labanan

0 103

Parang teleserye tayo ngayon dahil araw-araw ay may kakaibang balitang bumubungad sa atin kaugnay ng nalalapit na eleksyon. At isa nga sa pinakabago ay itong resulta ng Pulse Asia survey kung saan angat si Sen. Manny Pacquiao sa presidential race.

Ginawa ang national survey nitong Setyembre 6-11 na nilahukan ng 2,400 respondent na may edad 18 pataas, sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa resulta nito, nadagdagan ng apat na puntos si Pacquaio, na kung ikukumpara ay higit na malaki kaysa kanyang mga katunggaling presidentiables.

At kung si Pacquiao ang kandidatong nakakuha ng pinakamataas na pag-angat sa preference sa naturang survey ay si Davao City Mayor Inday Sara Duterte naman ang nakapagtala ng biggest drop. Walong puntos ang ibinaba ni Mayor Sara, ayon pa sa Pulse Asia survey.

Gayunpaman, sa kabuuang resulta ay si Mayor Sara pa rin naman ang nangunguna sa listahan.

Bagama’t nasa pang-apat, malaking bagay kay Pacquiao ang apat na puntos na iniangat nito sa survey dahil ipinakikita nito na may tiwala sa kanya ang mga tao at sineseryoso siya bilang isang presidential contender. Ito’y dahil na rin sa pangkalahatang pananaw ng mga botante na hindi magnanakaw si Pacquiao kapag naupo na ito sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Marahil nakatulong kay Pacquiao ang kampanya nito sa korapsyon kung saan una nitong tinutukan ang kuwestyunableng paggasta ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Energy sa pondo ng bayan.

Hanggang ngayon mainit-init pa ang isyu ng korapsyon na dinidinig sa Senado kaugnay sa kontrobersyal na supplier ng face mask, face shield at personal protective equipment (PPEs), ang Pharmally na bigla na lamang nabigyan ng napakalaking kontrata sa gobyerno gayong salat na salat sa kakayahan ang kumpanyang ito. Ikinakasama ng loob ng taumbayan na sa gitna ng pandemya ay naging talamak pa rin ang mga pagsasamantala.

Naniniwala ang taumbayan kapag nahalal na presidente si Pacquiao ay lalo nitong mababantayan ang galaw ng mga opisyales ng gobyerno. At lalo siyang magkakaroon ng kakayahan na habulin at panagutin ang mga magnanakaw sa gobyerno. Kaya nga naging maganda ang ipinakita ni Pacquiao sa Pulse Asia survey.

Matagal-tagal pa ang Mayo 2022 kaya marami pa tayong aabangan. Marami pang magbabago sa mga surveys na isasagawa. Tiyak naming mananaig ang tunay na pulso ng taumbayan. Ngayon pa lamang ipinararamdam na ng mga survey na ito na nag-iisip na ang mga botante. Naghahanap sila ng lider na pagkakatiwalaan sa pinakamatataas na posisyon sa bansa.

Ngayon at sa mga susunod na buwan bago ang Mayo, ang magdadala sa isang kandidato ay hindi ang kanyang talino, galing sa pag-iingles at mataas na pinag-aralan kundi ang puso at ang malinis na reputasyon. Kailangan ng ating bansa ng taong gagabay at sasagip sa atin sa pagkakalugmok ng ekonomiya bunga ng pandemya.

Tunay na kaabang-abang ang labanan at parang teleserye, sama-sama natin itong tutukan para matiyak na pagdating ng Mayo ay maluluklok ang tapat at karapat-dapat. Walang bibitiw dahil kapana-panabik pa ang mga susunod na tagpo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.