Abante Tonite Interactive

Umulan ng pera sa Asia Pacific Poker

By
189

Habang binabayo ang Pilipinas ng ma­lakas na ulan noong nagdaang weekend ay bumabaha naman ng pera sa pagtatapos ng Asia Pacific Poker Tour (APPT) Main Event sa City of Dreams.

Lahat ng siyam na manlalaro na nakapasok sa final table ng Main Event ay naging milyonaryo at ang biggest winner ay si Wilson Lim ng Singapore na naibulsa ang top purse na P12,970,000 bukod pa sa Platinum Pass na nagkakahalaga ng $30,000.

Kasama sa Pla­tinum Pass ang $25,000 na hala­gang seat sa Bahamas tournament na gaganapin sa Enero ng susunod na taon, baon na $2,000 at $3,000 para sa airfare at tutuluyang hotel.

Nakalaban ni Lim sa heads up play si Yuan Chao Li ng China na nag-uwi naman ng P7,960,000.

Ang balita natin ay hindi pumayag sa hatian ang Chinese player kaya buo ang nakuhang premyong napagwagian ng ­Singaporean.

Kahit na binabaha ang halos buong Metro Manila ay umabot pa rin sa 1,364 ang entries sa Main Event ng APPT. Ang mahigit P65 milyon na prize pool ang pinakama­laki sa kasaysayan ng poker sa Pilipinas.

Meron nga lang akong narinig na mawawala na raw sa City of Dreams ang karapatan na mag-host ng APPT sa susunod na taon. Kung saanman ito gaganapin sa 2019 ay maduplika sana nito o mahigitan pa ang tagumpay ng APPT ngayong taon.

Bago matapos ang Agosto ay ang Metro Card Club naman ang magsisilbing punong-abala sa isang malaking torneo sa poker. Ang P2M Guaranteed Event nila ay magsisimula sa Agosto 22 at magtatapos sa Agosto 27.

Good luck pla­yers!