Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Umulan ng pera

0 104

Marami ang nag-uwian sa probinsiya ngayong Mayo. Una, kaliwa’t-kanan kasi ang piyesta ng bayan at barangay sa mga lalawigan. Pangalawa, dahil sa botohan nitong Mayo 9.

May nabalitaan ako, umaarkila pa sila ng bus para makauwi ng probinsiya sa Visayas. Sino ang nagbayad? Eh ‘di ‘yung kandidatong gustong manalo sa halalan.

Hindi sila masasabing flying voters dahil rehistrado silang botante ng kanilang lalawigan. Hinakot sila sa Metro Manila para makauwi at makaboto. Libre na sa pamasahe, may kasama pang datung basta iboboto nila ang mayor, gobernador pati na ang dinadala nilang presidente at bise presidente.

Sabi ng ilang Marites, umuulan daw ng pera sa probinsiyang pinuntahan ng mga hinakot mula Metro Manila. May isang siyudad daw, nag-aalok ng P7,000 bawat ulo na boboto sa isang presidential bet.

Ito namang kalabang presidential bet, hindi nagpatalo matapos na doblehin ang inaalok ng kalaban. Ibig sabihin po, P14,000 bawat botante. Hindi natin maberipika ang katotohanan sa balitang ito dahil mga tsismis ito na dumaan sa tenga at lumabas sa bibig ng maraming Marites.

Kung totoo man ito, aba’y kaylaking pera ang pakakawalan ng presidential bet para makuha ang trono sa Malacañang.

Bahagi din ng kuwentuhan sa social media na kapag tinanggap nila itong P14K, ano naman kaya ang kahihinatnan ng bansa sa susunod na anim na taon. Malamang daw na bawiin ang ginastos sa kampanya sa kaliwa’t-kanang korapsyon sa gobyerno.

Mabuti sana kung lahat ng botante ay ganito mag-isip. Marami sa mga botante ay miyembro ng “Bahala na Gang.” Kukunin ang pera at bahala na ang mangyayari sa bansa. Ang importante, may pambili sila ngayon ng bigas at ulam na sasapat sa isa o dalawang linggo.

Para naman sa mga nagbakasyon sa lalawigan, masaya ang pag-uwi nila dahil nakalibre sa pamasahe, may panggastos pa sa mga gimik sa probinsiya.

Ang nakakalungkot na parte ay pagbalik nila sa Metro Manila kung saan balik muli sila sa realiyad- ang kumayod araw-araw para may kainin at panggastos ang pamilya.

Mataas pa rin ang presyo ng petrolyo at higit sa P12 trilyon pa rin ang utang ng Pilipinas. Paano ito haharapin ng susunod na presidente kung wala siyang sapat na kaalaman sa pagpapatakbo ng bansa. Malamang sa bulsa rin ng mamamayan kukunin ang pera sa pamamagitan ng mga bagong buwis.

Hindi sapat na magkaisa lamang tayo pagkatapos ng halalan, kailangan din ng dunong at integridad ng namumuno para umangat ang Pilipinas at bumuti ang lagay ng bawat Filipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.