Abante Tonite Interactive

UN dapat irespeto ni Digong

294

Pinaalalahanan ng tatlong senador ang admi­nistrasyon na bilang miyembro ng United Nations (UN), dapat irespeto ng Pilipinas ang anumang aksyon ng international body.

May kinalaman ito sa rekomendasyon ng ilang UN Human Rights experts para sa independent investigation sa kampanya kontra droga ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senador Leila de Lima, libo-libong Pinoy na ang namatay sa kampanya at mistulang wala namang balak ang gobyerno na tigilan ito.

“Worse, they always readily dismiss efforts by international forces to solve and put an end into the extrajudicial killings in the country as another political interference, if not destabilization plot,” saad ni de Lima.

Sinabi naman ni opposition Sen. Kiko Pangilinan, na bilang miyembro ng United Nations, responsibilidad ng bansa na ipatupad ang international treaties tulad ng UN Convention on Human Rights at international covenant of civil and political rights.

“Halos 30,000 na ang namamatay mula nu’ng June 2016. Habang lalo namang lumalala ang problema sa iligal na droga. Mass murder na ang kasalukuyang nagaganap sa ating bansa. Dapat kondenahin at dapat tutulan hindi lang ng mga kababayan natin kundi ng buong mundo,” diin ni Pangilinan.

Nilinaw naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na rekomendasyon pa lamang naman ang pinag-uusapan at hindi pa ito inaaksyunan ng UNHRC.

Gayunman, kung anuman aniya ang maging desisyon ng UNHRC ay dapat na irespeto ng gobyerno.

“Having said that, the Philippines being a member of the UN in good standing should respect and welcome any official act of the international body,” saad ni Lacson. (Dang Samson-Garcia)