Abante Tonite Interactive

Unang batingaw ng mga Balangiga bell maririnig sa Disyembre 15

510

Sa wakas, pagkatapos ng 117 taon ay muling mariri­nig ang pagtunog ng makasaysayang mga kampana ng Balangiga sa simbahan ng St. Lawrence Parish sa Eastern Samar sa Disyembre 15, isang araw bago simulan ang tradisyunal na Simbang Gabi para sa mga Katoliko.

Lumapag kahapon sa Villamor Airbase sa Pasay City ang US C130 aircraft na nag­lululan sa tatlong kampana ng Balangiga, isang senyales na tuluyan nang naibalik ang mga kampana sa kanyang tahanan sa Balangiga na isang maliit na bayan sa Samar.

Bakit nga ba mahalaga ang mga kampana ng Balangiga?

Ang pagtunog kasi ng mga kampana ng Balangiga ang hudyat para umatake ang mga mandirigmang Pilipino sa kampo ng mga sundalong Amerikano.

Bago ito, nakatikim ng ibayong hirap ang mga Pilipino sa Samar noong panahon na sinakop ito ng mga Amerikano.

Nakaranas sila ng matinding gutom dahil agad na sinusunog ng mga sundalong Amerikano ang anumang itanim ng mga magsasaka.

Dito nagsimulang magalit at mag-aklas ang mga mamamayan sa pangunguna ni Valeriano Abanador, ang hepe ng pulisya sa bayan ng ­Balangiga.

Gayunman, hindi siya nagpahalata na may ­plano silang lusubin ang hukbo ng mga sundalong Amerikano.

Kinaibigan muna niya ang mga sundalong Amerikano sa kanilang bayan para malaya silang makakilos.

Nang pumasok na sa kanilang bitag ang mga sundalong Amerikano, nagsagawa sila ng prusisyon isang gabi sa bayan ng Balangiga.

May dala silang mga karosa na tila mga ­kabaong na sinabayan ng kababaihan patungo sa ­simbahan ng San Lorenzo sa Balangiga.

Pagsapit sa simbahan, pinatunog ang tatlong kampana ng simbahan ng Balangiga.

Ito ang hudyat ng paglusob ng mga Pilipino sa kampo ng mga sundalong Amerikano.

Nasorpresa ang mga sundalong Kano sa pag-atake sa kanila.

Agad na namatay ang 37 nilang sundalo habang marami pa ang nasugatan sa pag-atake ng mga lumahok sa prusisyon na pawang mga lalake pala na nagbihis-babae lang.

Dahil dito, nagpalabas ng ‘Kill and Burn’ order ang lider ng mga sundalong Amerikano na si Jacob Smith dahil sa matinding galit at insulto sa pagkalagas ng kanyang mga tauhan.

“The more you kill the more you burn, the more you please me,” ang matigas na utos ni Smith na nakasulat sa mga libro ng kasaysayan.

At dito nga naganap ang pinakamalupit na anyo ng masaker sa kasaysayan ng bansa nang patayin ng mga sundalong Amerikano ang mga Pilipino maging ang mga batang may edad hanggang 10 na ayon sa kanila ay marunong nang humawak ng baril.

Agad namatay ang mahigit sa 2,500 na mga Pilipino dahil sa paghihiganti ng mga Amerikanong sundalo.

Wala silang pinatawad at maging ang ­simbahan ay sinunog nila at tinangay ang tatlong ­kampana nito.

Dalawa sa mga kampana ang inilagak sa isang parke sa 11th Infantry Regiment sa F.E. Warren Air Force base sa Cheyenee, Wyoming samantalang nasa 9th Infantry Regiment sa South Korea US base naman inilagay ang isa pa.

Sa ikalawang State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Duterte na dapat isauli na ng Estados Unidos ang mga Balangiga bell dahil hindi nila ito pag-aari.

Sinuportahan ito ng Simbahang Katoliko kung saan binigyang-diin nila na hindi trophy of war ang mga Balangiga bell dahil ito ay banal na pagmamay-ari ng simbahan.

Ang pagbabalik sa Pilipinas ng tatlong makasaysayang kampana ay resulta ng pag-uusap at pagbibigay-suporta ng mga miyembro ng US ­Veterans Community.