Abante Tonite Interactive

Unang COVID case sa Antique galing Parañaque

1,151

Isang senior citizen na nakatira sa Parañaque City ang naitala bilang unang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ng Antique.

Ikinalungkot ni Caluya Mayor Rigil Kent Lim ang naturang balita subalit mabilis itong kumilos at binuo ang kanyang Municipal Inter-Agency Task Force para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa kanilang bayan.

Nabatid na 74-anyos na lalaki ang COVID patient na nagtrabaho sa Semirara Mining and Power Corp. sa Caluya, Antique.

Nag-isyu na rin ng Executive Order No. 25 si Mayor Lim na nagdedeklara ng temporary lockdown sa Semirara Island. Mahigpit na ipinagbabawal muna ang pagbiyahe papunta at palabas sa isla.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Antique Gov. Rhodora Cadiao na dumating ang matandang pasyente sa Semirara Island sakay ng isang pribadong eroplano noong Marso 9.

Matapos lagnatin at mahirapang huminga noong Marso 19 ay nagpadala na ito sa isang ospital.

Kinuhanan ng specimen ang matanda noong Abril 2 upang isailalim sa COVID-19 testing sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City.(Prince Golez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad