Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Unang kaso ng terorismo

0 72

Sina Japer Gurung, 30, at Junior Ramos, 19, dalawang Aeta mula sa Zambales, ang mga unang indibidwal na kinasuhan ng gobyerno ng paglabag sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act. Binaril at pinaslang umano nila ang isang sundalo sa isang engkwentro sa pagitan ng yunit ng Philippine Army at mga rebeleng New People’s Army noong Agosto 21, 2020 sa San Marcelino, Zambales.

Sa mata ng mga alagad ng batas ng administrasyong Duterte, mga terorista silang dalawa, na nakapiit nang walang pagkakataong magpiyansa, at nararapat na makulong nang habangbuhay.

Ang katotohanan: Mga inosenteng sibilyan sina Gurung at Ramos, na mga kainginerong hindi marunong magbasa at magsulat, mula sa isa sa pinakaaping hanay ng mga katutubo, na sinampahan ng gawa-gawang kaso at biktima ng karumal-dumal na tortyur sa kamay ng mga sundalo.

Ayon kina Gurung at Ramos, kabilang sila sa mga lokal na residente na lumikas sa kanilang lugar dahil sa naganap na engkwentro. Dinampot sila ng mga sundalo, tinortyur upang piliting umamin na mga NPA sila, ngunit hindi sila bumigay sa kabila ng pagpapaharip. Matapos ang anim na araw sa kamay ng militar, sinampahan sila ng kasong terorismo at illegal possession of firearms and explosives.

Sa kanyang simumpaang salaysay, dinetalye ni Gurung ang pagpapahirap na dinanas niya sa kamay ng mga sundalo: binugbog, sinilid sa sako at binitin ng patiwarik, tinalukbongan ng plastic bag at pinausukan ng sigarilyo, at pinakain ng sarili niyang dumi.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hindi tumigil dito ang pang-aapi ng mga alagad ng rehimeng Duterte sa dalawa. Sa tulong ng kanilang mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), naghain sila ng petisyon sa Supreme Court upang makasama sa 37 iba pang petisyon na humahamon sa ligalidad ng Anti-Terrorism Law, bilang mga unang biktima nito.

Ginapang at trinabaho ng mga abogado ng gobyerno ang pag-atras nina Gurung at Ramos sa naturang petisyon. Kinumbinse silang ilaglag ang NUPL bilang kanilang mga abogadong tagapagtanggol, at itinanghal ang dalawa sa isang press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict upang ipahayag na pinipili nila ang serbisyong ligal ng Public Attorneys Office sa halip ng NUPL.

Anuman ang motibo ng gobyerno sa sapilitang pagpapaatras ng dalawa sa pagsampa ng petisyon sa Korte Suprema (tila may maling akala si Solicitor General Jose Calida na susi ito sa pagbasura ng 37 petisyon laban sa Anti-Terrorism Law), nilabag ng panghihimasok ng gubyerno ang karapatan nina Gurung at Ramos sa malayang pagpili sa mga abogadong magtatanggol sa kanila.

Malinaw na isinasalarawan ng kauna-unahang kasong ito ang pang-aabuso sa karapatan ng mamamayan na magaganap sa ngalan ng Anti-Terrorism Law.

Leave A Reply

Your email address will not be published.