Abante Tonite Interactive

Unang volleyball championship sa 36 taon; Molde matindi

UP WAGI SA WAKAS!

By
0 1,080

Kinumpleto ng University of the Philippines Lady Maroons ang best-of-three sweep matapos nilang kalusin sa Game 2 ang Far Eas­tern University Lady Tamaraws 25-20, 25-18, 23-25, 20-25, 15-13 kagabi sa 2018 Premier Volleyball League (PVL) Season 2 Collegiate Conference finals sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Natisod sa third at fourth set, muling ipinakita ni Isa Molde ang kanyang bangis upang sikwatin ng Lady Maroons ang korona matapos ang deciding fifth set.

Unang major volleyfest title ito ng UP sa nakalipas na 36 taon, na huling nagkampeon sa University Athletic Association (UAAP) noong pang 1982.

Naghabol sa fifth frame ang Lady Maroons 7-13 at ginapang ang iskor para ipako ang FEU sa iskor na 13.

Bago nagsimula ang laro, hinirang na Most Valuable Player (MVP) ngayong season si Molde kaya marahil ay ginanahan itong ilabas ang lahat ng lakas.

“Hindi ko ine-expect na maging MVP kaya sabi ko kanina, ‘ba’t ako?’” masayang sabi ni Molde.” So siguro ide-dedicate ko na lang ‘to sa teammates ko,”

Samantala, nakopo ng Adamson University ang bronze matapos nilang talunin sa Game 2 ang University of Sto. Tomas 15-25, 25-20, 25-20, 25-19 sa battle for third place.

Tabla lang ang serye sa 1-1 subalit dahil sa mas mataas ng quotient nasikwat ng Lady Falcons ang 3rd place.

Tumikada si Eli Soyud ng 14 points para sa San Marcelino-based squad Adamson habang sina Bernadette Flora at Joy Dacoron ay nagtala ng 12 at 11 markers ayon sa pagkakasunod.