Abante Tonite Interactive

Underage na obrero patay sa bumagsak na pader

572

Nasawi ang isang 17-anyos na obrero matapos mabagsakan ng ginigibang pader sa loob ng isang residential house kamakalawa sa Binondo, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ang biktimang si Sherwin, taga-Tondo, Maynila dahil sa tinamong matinding pinsala sa mukha.

Ayon sa imbestigasyon ni PSSg. John Teody Siguen ng Manila Police District-Homicide Section, alas-4:50 ng hapon nitong Biyernes nang maganap ang insidente sa loob ng Ritzville Residence sa Binondo, Maynila.

Nabatid na niyaya ni Jide Ordas, pinsan ng biktima, na tumulong sila sa trabaho ng ama sa ginagawang unit sa Ritzville Residence kaya umaga pa lang ay pumasok na ito.

Nalaman na nanghiram pa umano ng malaking martilyo ang biktima sa ama para gibain ang partition side ng kuwarto nang biglang bumagsak ang isang malaking slab na tumama sa ulo ng biktima.

Kaagad na bumagsak ang biktima na duguan, lumobo ang kaliwang bahagi ng pisngi at nagkaroon ng black eye habang may umaagos na dugo sa ilong nito at ulo.

Iniimbestigahan ng pulisya kung may pananagutan ang may-ari ng bahay sa naganap na insidente. (Juliet de Loza-Cudia)