Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Underdog na naman si Pacman!

0 170

Mabibigat ang kinakaharap na laban ni Sen. Manny Pacquiao.

Sa darating na Agosto, mapapasabak sa Las Vegas si Pacquiao laban kay WBC at IBF welterweight champion Errol Spence Jr. Mabigat na laban ito dahil maituturing na dehado ang ating Pambansang Kamao. Unang-una, dalawang taon nang nagpahinga sa boksing si Pacquiao. Ikalawa, 42-anyos na ito habang 31-anyos lamang si Spence. At ikatlo, mas matangkad ng 4 pulgada si Spence kaysa kay Pacquiao.

May mga boxing analyst na naniniwalang mahihirapan si Pacquiao laban kay Spence hindi lamang dahil sa edad nito kundi dahil matagal itong napahinga at hindi basta-basta maibabalik ang lakas at kondisyon nito bilang isang boksingero sa ilang panahon lamang ng training.

Maaaring totoo ito pero alam naman natin kung ano ang pinagmulan ni Pacquiao. Lumaking dukha si Pacquiao at nagsariling sikap ito para marating ang kanyang kinalalagyan sa kasalukuyan. Matigas ang katawan nito dahil sanay magutom, sanay sa hirap. Matatag din ang determinasyon ni Pacquiao kaya lahat ay sinuong niya para makamit ang kanyang mga pangarap.

Sa laban sa boxing arena, maraming kakampi si Pacquiao. Maraming nagmamahal sa mga underdog. Marami pa ring naniniwalang na kaya pa nitong muling mag-kampeon.

Bukod sa laban kay Spence, matindi rin ang laban na kinakaharap ni Pacquiao sa Senado kung saan inumpisahan nito ang pagkalkal sa korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno. Bagama’t may mga grupong gustong tulungan si Pacquiao para mailabas nito ang nakawang nangyayari sa ilang ahensya ng gobyerno at maparusahan ang mga nagnanakaw sa pondo ng bayan, mas marami naman ang kumakalaban sa kanya.

Sa laban na ito, ang mga korap na opisyal at korap na ahensya ay nananalangin na mabigo si Pacquiao. Ngayon pa lamang may mga nangangantiyaw na at sinasabing maliit na singaw lamang ang magagawa o ginagawa ni Pacquiao at hindi naman pala malaking pagsabog.

Inaakusahan din si Pacquiao na kinakalaban si Pangulong Duterte ngunit para sa senador isang pagtulong lamang ang kanyang inumpisahang imbestigasyon para mailabas ang korapsyon at maaksyunan ito ng Pangulo.

Pero gaya ng pagkakakilala natin kay Pacquiao, hindi ito umaatras sa anumang laban na kanyang inumpisahan. Kesehodang binubugbog na siya ng mga bashers, hindi iniinda ni Pacquiao ang mga masasakit na salita dahil desidido itong ibuyangyang ang korapsyon. “Ang mahalaga, alam nating mga Pilipino kung ano ang tunay na nangyayari sa ating mahal na bayan,” ayon kay Pacquiao.

Mabigat din ang kinakaharap na laban ni Pacquiao sa kanyang partidong kinabibilangan. May paksyon ngayon sa PDP-Laban na nag-uumpisa nang gumawa ng ingay. Ang grupong ito ay aktibong kumikilos para tibagin sa partido si Pacquiao dahil sa paniniwalang target ng pambansang kamao ang pinakamataas na posisyon. Hindi pabor ang paksyong ito na si Pacquiao ang kanilang maging pambato sa eleksyon sa halip isang “outsider” ang bet nilang gawing standard bearer sa 2022. Kaya naman inaasahang gagawa ang mga ito ng paraan para masibak si Pacquiao bilang acting president ng partido sa national council meeting ng PDP-Laban sa Hulyo 17.

Sa gitna ng mga hamon na ito sa landas ng isang Manny Pacquiao, batid naming hindi ito basta-basta susuko. Kung sa lona, inaasahan na nating makikipagbangasan ng mukha si Pacquiao at bibigyan niya tayo ng magandang laban. Susulitin niya ang bawat segundong ibubuhos ng buong mundo sa panonood ng kanyang laban sa parehas at maginoong paraan. Manalo o matalo, hindi niya tayo bibiguin.

At tiyak naming ganun din ang gagawin ni Pacquiao sa iba pa niyang kinakaharap na laban. Gaano man kabigat ang kalaban sa pulitika at korapsyon, tiwala kaming patuloy na lalaban si Pacman. Sanay naman siyang binubugbog, sanay siyang maging underdog. Abang-abang lang, nahaharap tayo sa mainit at exciting na laban!

Leave A Reply

Your email address will not be published.