Abante Tonite Interactive

Unemployment benefits ng SSS member puwede na makuha

520

Inihayag ni Social Security System (SSS) pre­sident at chief executive officer Aurora C. Ignacio na maaari nang mag-apply ng unemployment o involuntary separation benefit ang mga miyembro ng ahensiya.

Ang unemployment benefit ay isa sa mga bagong probisyon sa ilalim Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018.

Maaaring mabigyan ang miyembrong mag-apply nito ng cash be­nefit sa loob ng dala­wang buwan at katumbas ng kalahati ng kanilang ave­rage monthly salary credit (AMSC).

Ayon kay Ignacio, sa pamamagitan ng bagong benepisyong ito, ang mga empleyado na miyembro ng SSS, kabilang na ang mga kasambahay at overseas Filipino worker (OFW), ay mabibigyan ng karagdagang social security protection.

“Nilalayon ng unemployment insurance o involuntary separation benefit na makapagbigay sa miyembro ng SSS na ‘di inaasahang nawalan ng trabaho ng pansamantalang mapagkukunan ng kita upang masuportahan ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya,” paliwanag ni Ignacio.

“Halimbawa, ang miyembro na kumikita ng P10,000 kada buwan ay ‘di inaasahang nawalan ng trabaho. Mabibigyan siya ng tulong pang-pinansyal sa loob ng da­lawang buwan. Ang tulong-pinansiyal ay katumbas ng kalahati ng AMSC miyembro o sa kanyang kaso ay P5,000 kada buwan o P10,000 para sa dalawang buwan na siya ay walang trabaho,” paliwanag ni Ignacio.

Batay sa SSS Circular No. 2019-11 na inilabas ngayong buwan, upang maging kuwalipikado sa benepisyong ito, kinakailangan na ang covered employee ay hindi lalagpas sa 60 taong gulang sa panahon na siya ay ‘di inaasahang nawalan ng trabaho.

Para naman sa mga underground at surface mineworke­r, at racehorse jockey members ay hindi dapat higit sa 50 at 55 taong gulang.

Saklaw ng benepisyong ito ang mga nawalan ng trabaho simula noong Marso 5, 2019.

(Dolly Cabreza)