Abante Tonite Interactive

UNHAPPY SI CHOT

13
Ang Gilas Pilipinas players at si coach Chot Reyes habang nakikipag-selfie at nakiki-bonding sa Filipinos sa Fan Zone ng FIBA Asia Cup 2017 sa Beirut. (FIBA photo)
Ang Gilas Pilipinas players at si coach Chot Reyes habang nakikipag-selfie at nakiki-bonding sa Filipinos sa Fan Zone ng FIBA Asia Cup 2017 sa Beirut. (FIBA photo)

Tatlong laro, tatlong panalo ang kinubra ng Gilas Pilipinas sa group stage ng FIBA Asia Cup 2017 sa Nouhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon, pero hindi kuntento si coach Chot Reyes.

Huling biktima ng Nationals ang Qatar 80-74 Linggo ng gabi kahit nasa sidelines lang sina bigs June Mar Fajardo at Christian Standhardinger.

Sa post-game huddle, sinabihan ni Reyes ang team na kung Korea o Japan ang nakatapat nila ay malamang nag-impake na pauwi ang Gilas.

“No way we’ll win like that,” giit ni Reyes. “Se­venteen turnovers. We shot less than 40% from the field. We couldn’t stop (Mansour Elhadary).”

Nagpiyesta ng 23 points ang pambatong guard ng Qatar mula sa 10 for 15 shooting sa field, namigay ng six assists at may three steals. Umayuda ng double-double na 18 points at 11 rebounds si Abdulrahman Saad.

May dalawang araw na pahinga ang Gilas para paghandaan ang susunod na makakatapat sa knockout quarterfinals sa mananalo sa Korea o Japan na naglaglagan pa sa qualifying match.

Alas-dos ng madaling-araw ng Huwebes (Manila time) ang susunod na salang ng Filipinos.

Pagkatapos ng laro, nag-host ang Filipino fans ng dinner para sa Gilas. Nakipag-selfie at naki-bonding sila sa Nationals habang kumakain.

Wala ang bigs kontra Qatar, pumutok ang wings ng Gilas sa pangunguna ni Matthew Wright na nagbaon ng seven 3-pointers tungo sa game-high 25 points, may panahog pa siyang four assists at tig-isang rebound at steal.

Tatlong 3s din ang pinakawalan ni Carl Bryan Cruz tungo sa 13 points, may all-around performance si Gabe Norwood na 10 points, seven rebounds, five assists at two blocks. Nagbaba ng seven boards si Roger Pogoy.

Naungusan ng Filipinos ang Qataris sa rebounds (42-34) at assists (23-16).