Abante Tonite Interactive

UP, Baste nagmadali

117

Mga laro bukas (PhilSports Arena)
4:00 p.m. — CSB vs FEU
6:00 p.m. — Ateneo vs TIP

Parehong minadali ng University of the Philippines at San Sebastian College ang mga nakatapat sa tatlong sets sa opener ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa Ynares Sports Arena sa Pasig kahapon.

Winalis ng Lady Stags ang Perpetual Help Lady Altas 27-25, 25-22, 25-22, hindi rin pinasagot ng Lady Maroons ang San Beda College Lady Red Spikers 25-20, 25-17, 25-20.

Bumida si Open conference MVP Grethcel Soltones ng 20 points at 19 attacks sa buena-manong panalo ng Baste.

Binitbit naman ni UAAP rookie of the year Isa Molde ang UP matapos humambalos ng15 points kasama ang 13 attacks at dalawang service aces.

“Kailangan pa ng konting ensayo medo hindi maganda ‘yung execution namin,” saad ni UP coach Jerry Yee.

Pumalo rin si skipper at reigning conference 1st Best Blocker Kathy Bersola ng siyam na puntos, may tig walo sina Justine Dorog at Nicole Tiamzon sa Lady Maroons.

Umeksena rin si setter Angeli Basarte na bumanat ng 39 excellent sets para sa UP.

Nirehistro ni Francesca Racraquin ang game-high 16 points mula sa 12 spikes at dalawang kill/blocks para sa Lady Red Spikers na matapang lang sa una pero tumitiklop sa kalagitnaan ng bawat sets.

Bumakas ng siyam na puntos si Nieza Viray, si guest player Wenneth Eulalio ay may walong puntos para sa San Beda.