Abante Tonite
Mabilis sa Balita

UP: COVID infection aabot ng 2M, 10K tigok

0 94

Maaaring umabot sa dalawang milyon katao ang mahawa ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng taon at posibleng ikamatay pa ng 10,036, kasama na ang mga kasong hindi tinutunton ng pamahalaan.

Batay ito sa projection ng UP COVID-19 Pandemic Response Team na inilabas kahapon gamit ang datos ng Department of Health (DOH) hanggang nitong Agosto 31.

Ayon sa projection ng grupo, nasa 402,821 hanggang 767,611 ang maaaring magpositibo sa COVID-19 test ngunit aabot sa 2.013 milyon ang mahahawa dito, kasama na ang tinatawag na `undetected cases’ o iyong mga hindi natukoy na kaso.

Kung wala umanong mga karagdagang hakbang na gagawin ang pamahalaan ay aabot sa 10,036 ang mamatay sa COVID19 sa bansa.

Malaking suliranin ang mga kasong hindi natutunton dahil sa kahinaan ng contact tracing. Ang patuloy na paggala ng mga taong asymptomatic sa COVID-19 o iyong mga walang sintomas ang nagkakalat ng virus na ikinamamatay naman ng ilan.

Samantala, umakyat na sa 226,440 ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 positive sa buong Pilipinas hanggang nitong alas-kuwatro ng hapon ng Miyerkoles, Agosto 2, ayon sa DOH.

May 2,218 nadagdag na bagong kaso ng COVID-19 infection.

Nakapagtala rin ang DOH ng karagdagang 609 nakarekober sa virus kaya umabot na ngayon sa 158,610 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa COVID sa bansa.

Habang nadagdagan pa ng 28 ang mga pasyenteng nasawi sa virus dahilan para umakyat sa 3,623 ang kabuuang bilang ng namatay. (Eileen Mencias/ Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.